February 22, 2026

Home BALITA

'Simplify lang muna! Comelec, iginiit na dapat magsimula anti-political dynasty sa LGUs

'Simplify lang muna! Comelec, iginiit na dapat magsimula anti-political dynasty sa LGUs

Iminungkahi ng Commission on Elections (Comelec) na unahin munang ipatupad sa mga lokal na posisyon sa pamahalaan ang panukalang batas laban sa political dynasty bago ito palawakin sa pambansang antas.

Sa panayam sa radyo nitong Linggo, Pebrero 22, 2026, sinabi ni Comelec Chairperson George Garcia na mas mainam na magsimula sa mas simpleng bersyon ng batas upang agad itong maipatupad.

"Simplify lang muna. Ang importante sa aking palagay, makapagpatupad lang tayo kahit simple lang muna na anti-political dynasty," ani Garcia.

Ayon sa kaniya, makatutulong ang naturang hakbang upang mas marami ang magkaroon ng pagkakataong tumakbo sa halalan.

Koalisyong Makabayan, raratsada ng protesta sa Feb. 25 'may permit man o wala!'

"Kalimitan naman, ang talagang sinasabi na makakapagpaurong sa development ng ating bansa ay kapag ang concentration ng kapangyarihan ay nasa lokal," dagdag niya.

Samantala, nauna nang sinabi ni Sen. Risa Hontiveros, chairperson ng Senate panel on electoral reforms and people’s participation, na isasaalang-alang sa committee report ang mahahalagang punto na lumabas sa limang isinagawang public consultations kaugnay ng anti-political dynasty bill.

Ilang panukala na rin ang inihain sa Senado at sa Kamara de Representantes upang maipatupad ang probisyon ng 1987 Constitution na nagbabawal sa political dynasties. 

Sa Senado, pitong panukalang batas laban sa political dynasty ang kasalukuyang nakabinbin sa komite sa electoral reforms.