February 22, 2026

Home BALITA

Koalisyong Makabayan, raratsada ng protesta sa Feb. 25 'may permit man o wala!'

Koalisyong Makabayan, raratsada ng protesta sa Feb. 25 'may permit man o wala!'

Nanindigan ang Koalisyong Makabayan na itutuloy nila ang ikakasang kilos-protesta sa EDSA Shrine para sa paggunita ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution I sa Pebrero 25, 2026, may permit man daw sila o wala.

"Tuloy ang laban. Tuloy ang protesta. May permit man o wala," ayon sa grupo sa kanilang Facebook post, noong Sabado, Pebrero 21, 2026.

Mababasa rin sa larawan na kanilang ibinahagi ang mensaheng, "EDSA People Power never needed a permit, we won't too. Tuloy ang protesta sa Peb. 25!"

Kaugnay nito, matatandaang nanindigang ipatutupad ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang “no permit, no rally” kasabay ng paghahanda ng iba’t ibang grupo para sa magkakahiwalay na kilos-protesta.

Probinsya

Estudyanteng babae, pinagtulungang sipain at suntukin sa loob ng classroom!

Ayon kay NCRPO spokesperson Police Major Hazel Asilo, kailangan ang naturang patakaran upang matiyak ang maayos na paghahanda ng pulisya sa mga inaasahang pagtitipon.

"Ipatutupad natin ang no permit, no rally since kailangan nating makapag-prepare dahil dalawang malaking pagtitipon ito," ani Asilo sa panayam sa Super Radyo dzBB nitong Linggo, Pebrero 22.

Kaugnay nito, ilang sektor ang nagbabalak magsagawa ng ikatlong “Trillion Peso March” sa Miyerkules, Pebrero 25, bilang protesta laban sa katiwalian sa pamahalaan at political dynasties.

"Ang nabigyan ng permit ay isang grupo mula sa Trillion Peso March Movement," paliwanag ni Asilo sa media.

 "Nabigyan sila ng permit para sa February 25, para mag-conduct ng programa sa may White Plains."

Magpapakalat ang NCRPO ng humigit-kumulang 14,000 pulis upang tiyakin ang kaayusan at kaligtasan ng publiko sa araw ng mga aktibidad. Babantayan din ng pulisya ang iba pang posibleng kilos-protesta sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.