Inanunsyo ng pamilya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi pinahintulutan ng International Criminal Court (ICC) na makabisita sila sa kanilang ama, habang isinasagawa ang confirmation of charges hearing sa kaso ng dating pangulo.
Sa inilabas na “Notice to the Public” nitong Linggo, Pebrero 22, 2026, sinabi ng pamilya na tanging komunikasyon sa pamamagitan ng telepono ang mananatiling bukas.
“Please be informed that there are no approved in-person family visits to Former President Rodrigo Duterte while the court conducts hearings. Telephone calls will continue to be made available,” anila.
Ayon pa sa pahayag, dadalo ang ilang abogado sa pagdinig para upang matiyak na maayos na kinakatawan ang dating pangulo ng isang legal team mula sa Pilipinas.
Kabilang sa mga nabanggit na abogado sina Salvador Medialdea, Martin Delgra III, Silvestre Bello III, Alfredo Lim Jr., Caesar Dulay, at Salvador Panelo.
“The following lawyers will attend the Confirmation of Charges hearing in order to ensure that he is properly represented by a Filipino legal team,” saad ng nasabing pahayag ng pamilya Duterte.
Nagpasalamat din ang pamilya sa kanilang mga abogado para sa patuloy na serbisyo at propesyonalismo sa gitna ng kasalukuyang sitwasyon.
“We thank the legal team for their continued dedication and professionalism during this critical time.”
Nagpahayag din sila ng pasasalamat sa komunidad ng mga Pilipino sa The Hague na umano’y nagbibigay ng espasyo upang marinig ang panig ng mga nagsasalita kaugnay ng isyu.
“We also extend our sincere appreciation to the Filipino community in The Hague for ensuring a platform where the voice of every Filipino who speaks out against this injustice is heard,” saad ng pamilya Duterte.
Magsisimula ang confirmation of charges hearing sa Lunes, Pebrero 23 na magtatagal hanggang sa Pebrero 27 para sa kasong inuugnay kay Duterte na crimes against humanity bunsod ng kaniyang naging madugong kampanya kontra droga.