February 22, 2026

Home BALITA National

'Ikuwento natin 'yong nakita natin!' Sen. Bam, may hiling sa mga nakasaksi sa EDSA People Power I

'Ikuwento natin 'yong nakita natin!' Sen. Bam, may hiling sa mga nakasaksi sa EDSA People Power I
Photo courtesy: Bam Aquino/FB


Nagbitaw si Sen. Bam Aquino ng isang hiling para sa mga personal na naranasan at nasaksihan ang makasaysayang EDSA People Power Revolution noong 1986.

Sa isinagawang EDSA 40 Mass and Prayer Rally sa EDSA Shrine nitong Linggo, Pebrero 22, hinikayat ni Sen. Bam ang mga Pilipinong lumahok sa EDSA na ihayag ang mga naganap sa nasabing rebolusyon.

“Sino ang nandoon sa EDSA noong 1986? Marami po sa atin dito ang nandoon—at buhay, at lumalaban 40 years ago hanggang ngayon,” panimula ni Sen. Bam.

Aniya, “Ito po ang request ko po sa inyo: tayo pong nakaranas ng EDSA, ay ang mas maliit na populasyon na po ngayon. We’re the minority. Puwede po, lahat ng mga nandoon, ikuwento natin sa mga kabataan. Ikuwento natin—actually hindi lang po kabataan, kasi ang cutoff po natin 40, so kahit po ‘yong 30s, hindi rin po nila naranasan ang EDSA. Ikuwento po natin sa mga araw na ito, hanggang sa Feb. 25 at pagkatapos, ikuwento natin ‘yong nakita po natin.”

Pag-amin ng mambabatas, malayo sila sa magugulong lugar noong mga panahong iyon, ngunit hinahanap pa rin niya ang pagkakaisang tulad ng nangyari sa EDSA apat na dekada na ang lumipas.

“Malayo po kami sa tangke, sa totoo lang po. Marami po dito kaharap ‘yong mga tangke—sina sister, kaharap ‘yong tangke. Malayo po kami sa mga magugulong lugar, pero doon po sa lugar namin, ang naranasan ko po, isang pagkakaisa na na hanggang ngayon, hindi ko pa po pa rin nakikita muli,” anang mambabatas.

“Mayaman, mahirap, babae, lalaki, bata, matanda, nagsama-sama—nandoon po nagdadasal, nagmamahal, nakikilahok para po sa ating bansa. Ito po ‘yong isang bagay na tumatak sa akin, 8 years old po ako noon. Tumatak po ‘yon sa aking puso at hanggang ngayon, ‘yon pa rin po ‘yong hinahanap natin,” dagdag pa niya.

‘Yong panahong magsasama-sama muli ang Pilipino para ipaglaban ang mga bagay na mas malaki sa ating sarili, malaki sa ating pamilya, mas malaki sa ating mga probinsya, isang bagay na pinaglalaban po para sa mga susunod na henerasyon: ang isang mas magandang kinabukasan para sa ating bansa,” saad pa ni Sen. Bam.

Matatandaang ikinasa ang EDSA People Power Revolution noong taong 1986, na layong pabagsakin ang rehimeng Marcos Sr., at ang dineklara nitong Martial Law na umabot sa higit dalawang dekada.

Matapos ang mapayapa at matagumpay na rebolusyon, naluklok ang tiyahin ni Sen. Bam na si dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino bilang unang babaeng Pangulo sa kasaysayan ng bansa.

KAUGNAY NA BALITA: BALITAnaw: Dedikasyon para sa demokrasya ni ex-Pres. Cory Aquino-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA