Nanawagan si Deputy Speaker at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun sa publiko na maging maingat sa pagbabahagi ng impormasyon sa social media at tiyaking beripikado ang mga ito bago ipakalat.
Ginawa ng kongresista ang apela matapos kumalat sa internet ang ulat na umano’y na-harass ang isang “presidential son” sa North Luzon Expressway (NLEX) nitong weekend, na kalaunan ay napatunayang maling impormasyon.
“Simple lang po ang pakiusap namin: verify before you share. Huwag maging instrumento ng kasinungalingan,” ani Khonghun sa kaniyang pahayag nitong Linggo, Pebrero 22, 2026.
Dagdag pa niya, sa panahon ng mabilis na pagkalat ng balita, mas mahalaga ang beripikasyon kaysa sa i-sensationalize ang fake news.
“In an age where information travels fast, verification is more important than sensationalism. We must not allow rumors to dictate the national conversation,” aniya.
Sa mga kumalat na social media posts, sinasabing bandang 7:00 ng gabi noong Sabado, Pebrero 21, ay hinarang umano ng tatlong sasakyan ang convoy na sinasabing may sakay na anak ng pangulo sa NLEX, at kalaunan ay kinompronta umano ng humigit-kumulang 15 lalaki mula sa mga sasakyang rehistrado sa Bulacan matapos umano nitong mag-overtake.
Mariin itong pinabulaanan ng Malacañang. Ayon kay Presidential Communications Secretary Dave Gomez, walang naganap na insidente na kinasasangkutan ng alinman sa tatlong anak ng pangulo.
“Kung wala namang nangyari at malinaw na itinanggi na ng Malacañang, tigilan na natin ang pagpapakalat ng fake news. Ang ganitong klaseng haka-haka ay nakakasira at nagdudulot lang ng kalituhan sa publiko,” dagdag ng deputy speaker.
Aniya pa, mapanganib at iresponsable ang paglikha o pagpapalaganap ng maling kuwento na sangkot ang mga miyembro ng First Family.
“Hindi biro ang gumawa o magpakalat ng ganitong istorya. It undermines public trust and diverts attention from real issues that deserve serious discussion,” saad ni Khonghun.