Nagbigay ng paglilinaw si human rights lawyer Atty. Kristina Conti kaugnay sa gagastahing pondo ng mga advocate at biktima ng extrajudicial killing (EJK) patungong The Hague, Netherlands.
Sa isang Facebook post ni Conti noong Sabado, Pebrero 22, pinabulaanan niya ang mga paratang na mula umano sa pera ng taumbayan gagastusin ng mga biktima at advocate para dumalo sa confirmation of charges hearing ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nahaharap sa kasong crime against humanity.
“Hindi po,” sabi ni Conti. “Kanya-kanyang paglikom ng pondo ang iba't ibang grupo. Hindi Philippine government-funded ang Duterte Panagutin Campaign Network, ang Rise Up for Life and for Rights, o ang National Union of Peoples' Lawyers.”
Dagdag pa niya, “Affirmanti non neganti incumbit probatio. Kung sinong nag-aakusa, siyang dapat magpatunay. Hanggang walang malinaw na basehan at lalo walang patunay ang sinasabi ng isang tao, kikilalanin lang itong chismis.”
Matatandaang si Conti ang tumatayong assistant to counsel sa ICC para katawanin ang mga biktima ng EJK sa ilalim ng administrasyon ni Duterte.
Nakatakdang magsimula ang pagdinig para sa confirmation of charges ng dating Pangulo sa Lunes, Pebrero 23.
Kaugnay na Balita: ICC, pinahintulutang lumiban si FPRRD sa pagdinig ng confirmation of charges