February 22, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Paano magpatawad kahit kayhirap nitong gawin?

ALAMIN: Paano magpatawad kahit kayhirap nitong gawin?
Photo courtesy: Unsplash


Napatawad mo na ba ang mga taong nanakit at gumawa ng pagkakamali sa iyo?

Cliche man, pero may katotohanan ang mga katagang “walang perpekto” sa mundo. Subalit, hindi ito sukatan upang gumawa ang isang tao ng kamalian sa iba—intensyonal man o hindi.

Dahil sa mga ito, makailang beses nang napatunayan na ang pagpapatawad ay talaga namang hindi madaling gawin.

Ano ba ang konsepto ng pagpapatawad?

Ayon sa latha ng Mayo Clinic, iba-iba ang kahulugan ng pagpapatawad, depende sa kung paano ito binibigyan ng pakahulugan ng isang tao.

Human-Interest

ALAMIN: Paano mag-heal pagkatapos ang masakit na ‘breakup?’



Pero sa pangkalahatan, ito ay tumutukoy sa pagtanggap at intensyonal na desisyong pakawalan na ang galit na nadarama bunsod ng pagkakamali ng isang tao.

Ayon pa rito, nakatutulong ang “forgiveness” upang gumaan ang bigat na nadarama ng isang tao.

Ngunit paano nga ba gagawin ang pagpapatawad?

Ayon sa artikulo ng Very Well Mind, may ilang paraan upang maisakatuparan ang pagpapatawad.

1. Hayaan mo ang iyong sariling magalit

Ayon sa nasabing artikulo, nararapat na maramdaman at maunawaan muna ng isang tao ang tunay na pakiramdam ng problema—dahil ito raw ang unang hakbang sa pagpapatawad.

Bigyan daw ng pagkakataon ang sarili na dumaan sa proseso ng “anger” at “grieve,” dahil ito raw ay normal na senyales na ang isang tao ay nasaktan.

Paglilinaw pa nila, hindi naman daw gagawing “monster” ng mga pakiramdam na ito ang taong nakapanakit, at biktima ang nasaktan. Mahalaga lamang daw talaga na huwag pigilan ang nararamdaman.

2. Maging empatiko

Ayon sa parehong artikulo, mahalagang maging empatiko ang isang indibidwal upang maintindihan niya kung ano nga ba ang mga dahilan sa likod ng nangyari.

Mainam daw na ilagay ng nasaktang tao ang kaniyang sarili sa posisyon ng nakasakit, dahil makatutulong daw ito sa pagdedesisyon ng tao—kung siya ba ay magpapatawad o hindi.

Base pa rito, ang “framing” na ito ay isang paraan upang tuluyang maunawaan ng indibidwal ang mga tamang hakbang tungo sa pagpapatawad.

3. Alamin ang ‘bakit’ sa dahilan ng iyong hindi pa pagpapatawad

Mahalagang maunawaan ng isang tao kung “bakit” hindi siya madaling magpatawad.

Maaaring sagutin ang katanungang “bakit pa rin ako nagagalit?” kahit lumipas na ang panahon.

Sa paraang ito, makikita rin niya kung ano nga ba ang epekto nito sa kaniyang buhay, gumagaling ba ang mga pusong nasugatan? o mas lalo pang lumalim ang galit na naramdaman sa nakaraan?

Matapos pagnilay-nilayan ang mga ito, madali nang masasagot kung tama na ba ang panahon para iwaglit na ang galit, at tuluyan nang magpatawad.

4. Mag-set ng boundaries

Mahalagang bumuo ng mas matibay na boundaries matapos ang pangyayari.

Hindi ibig sabihing nagpatawad ka na, ay muli mo siyang papapasukin sa iyong buhay.

Kung hindi na ito mabuti para sa iyong kalusugan at pag-iisip, ayos lamang na putulin mo na ang koneksyong nagdudugtong sa inyong dalawa—lalo kung ito ay ikabubuti ninyong dalawa.

5. Magpatuloy sa buhay


Hindi katapusan ng mundo kung ikaw ay nakaramdam ng sobrang sakit na pakiramdam, na halos hindi mo na mapatawad ang taong gumawa noon sa’yo.

Mahalaga sa isang indibidwal na kahit maliliit lamang na hakbang ay kaniyang ginagawa, upang masiguro na siya ay nakakausad sa buhay.

Tandaan, ang pagpapatawad ay hindi para sa taong nakapanakit, ito ay para sa kabutihan mo—at mabigyan ka ng pagkakataong magsimulang muli.

Vincent Gutierrez/BALITA