May pahapyaw na komento si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kaugnay sa naging pag-aanunsyo ni Vice President Sara Duterte sa kaniyang pagtakbo bilang Pangulo sa susunod na eleksyon.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!
Ayon kay PBBM, sa naging pagbisita at pag-inspeksyon niya sa Oplan Kontra Baha program sa Naga City nitong Sabado, Pebrero 21, 2026, sinabi niyang wala raw siyang maraming masasabi kaugnay sa naturang deklarasyon ni VP Sara dahil “choice” o pinili naman daw niya ito.
“Nothing really. That’s her [VP Sara] choice,” pagsisimula niya.
Samantala, pinili namang hindi magbigay ng komento ni PBBM sa usap-usapang ang kapatid niyang senador na si Sen. Imee Marcos ang magiging katambal ni VP Sara sa nasabing paparating na eleksyon.
“Again, this is all politics. We’re not going to discuss politics… What we are here for is to try and find a solution to this very important problem,” diin niya.
Kaugnay nito, matatandaang Nagbigay na rin ng reaksiyon ang Palasyo hinggil sa naging pormal na anunsyo ni VP Sara na tatakbo siyang Pangulo ng Pilipinas sa 2028, matapos ang isinagawang press conference noong Miyerkules, Pebrero 18.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM sa presidential bid ni VP Sara: 'Good luck!'
Ani Palace Press Office at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro, nadinig na raw noon ni PBBM ang deklarasyon ng bise presidente.
Pagkukuwento niya, ngumiti at sinabihan lang umano ng Pangulo ng “good luck” si VP Sara.
“Nadinig niya po at ang sabi niya eh, good luck. Iyon lamang po,” aniya.
Samantala, habang sinusulat ito, hindi pa naman naglalabas ng tugon o reaksyon si VP Sara kaugnay sa mga nagiging pahayag ng Pangulo.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, ibinidang nagsuot ng medyas na pink sa pagbisita sa Naga!
Mc Vincent Mirabuna/Balita