Nilinaw ng grupong Tindig Pilipinas na ang ikatlong “Trillion Peso March” sa Pebrero 25 ay iiwas sa anumang panawagang “marahas” para patalsikin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Sa panayam ng isang local news outlet kay Tindig Pilipinas co-convenor Kiko Aquino Dee noong Biyernes, Pebrero 21, 2026, nilinaw niyang hindi rin susuportahan ng protesta ang mga apela na targetin ang militar o ang pagtatangkang magluklok ng hindi halal na pamunuan sa gobyerno.
“Yung pinagbabawal po natin is anumang form of violence… Parang may ouster na peaceful, may ouster na hindi peaceful. So ako, parang ang hardline lang po natin ay sa pamamaraan,” saad ni Dee.
Dagdag pa niya, “Dapat walang violence po ang ini-invoke. Kung may ganong panawagan, basta malinaw na hindi karahasan,” dagdag pa niya.
Ang ikatlong kilos-protesta, na nagsimula noong Setyembre 21 ng nakaraang taon kasabay ng isyu ng multibilyong pisong flood control scandal, ay isasagawa rin sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Ayon kay Dee, pinahihintulutan ang mapayapang pagpapahayag tulad ng paglalabas ng effigy, ngunit ipinagbabawal ang pagsunog nito dahil sa mga dahilan pangkalikasan.
“Yung main calls po ng Trillion Peso March ay… ikulong ang lahat ng mga kurakot, yung pag-pass ng anti-political dynasty bill at saka yung pag-pass po ng IPC Bill sa Senado, ICAIC Bill dito sa mababang kapulungan,” aniya, na tumutukoy sa panukalang Independent People’s Commission Bill at Independent Commission Against Infrastructure Corruption.
Inulit din niya na hindi papayagang umakyat sa entablado ang mga politiko, alinsunod sa patakaran na ipinatupad na noong unang rally.