Nalunod ang isang 13-anyos na menor de edad matapos itong magkaroon ng epileptic seizure habang lumalangoy sa Ilog Pasig.
Base sa inilabas na pahayag ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Sabado, Pebrero 21, isang search and rescue (SAR) operation ang isinagawa nila sa Ilog Pasig, simula Pebrero 17 hanggang 19, para hanapin ang nasabing menor de edad.
Saad ng PCG, mula sa ulat ng isang witness, inatake ng epileptic seizure ang menor de edad habang lumalangoy, na nagdulot umano ng pagkalunod nito.
Dahil sa malalakas na alon, ang bangkay ay natagpuang palutang-lutang sa katubigang sakop ng Pandacan, Maynila.
Matapos itong kilalanin ng pamilya nito, agad na dinala ng PCG ang mga labi ng menor de edad sa isang funeral service para sa maayos na disposisyon.
Sean Antonio/BALITA