Opisyal nang nagbitiw sa puwesto ang kamakailang nag-viral at binatikos na Sangguniang Kabataan (SK) Chairperson sa Laguna bilang tanda umano ng kaniyang pagdidisiplina sa sarili.
Matatandaang binanatan at tila "pinisa" sa kritisismo ng mga netizen si Barangay Bubukal, Sta. Cruz, Laguna, SK Chairperson Mark Adrian Napiza noon dahil hindi umano magandang ipinakita nito sa paghawak ng mga panindang siopao at hotdog sa isang convenience store at isang uri daw ng "kadugyutan."
KAUGNAY NA BALITA: Kinuyog sa kadugyutan! SK chairman sa Laguna, nag-sorry sa paghawak sa mga panindang siopao at hotdog
Ayon sa nilagdaang liham ni dating Barangay Bubukal, Sta. Cruz, Laguna, SK Chairperson Mark Adrian Napiza, na iniulat din ng Philippine Entertainment Portal (PEP) noong Pebrero 20, 2026, mababasa ang pormal na pag-alis sa puwesto ni Napiza.
“Ako po si Mark Adrian P. Napiza ay nagbibitiw sa aking tungkulin bilang SK Chairperson ng Barangay Bubukal, Santa Cruz, Laguna,” pagsisimula niya.
Ani Napiza, naging masaya raw siya sa paglilingkod sa nasabi nilang barangay sa loob ng mahigit walong (8) taon.
“Naging masaya po ako sa paglilingkod bilang isang Sangguniang Kabataan Chairperson ng mahigit kumulang walong taon sa aming barangay,” aniya.
Nagpasalamat naman si Napiza sa Sangguniang Barangay at Sangguniang Kabataan ng Brgy. Bubukal, Pamahalaang Bayan ng Santa Cruz, Laguna, at Pambayang Pederasyon ng Sangguniang Bayan sa nasabing bayan.
“Nais ko po magpasalamat sa lahat ng aking nakasama bilang isang lingkod-bayan, sa buong Sangguniang Barangay ng Bubukal, Sangguniang Kabataan ng Bubukal, Pamahalaang Bayan ng Santa Cruz at sa Pambayang Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan sa bayan ng Santa Cruz, Laguna,” saad niya.
Dagdag pa niya, “Sa lahat ng masasayang gawain bilang isang lingkod-bayan at sa mga aral na aking natutunan na aking dadalhin, kahit saan man ako makarating. Asahan niyo pa rin ang aking kooperasyon sa lahat ng programa ng Sangguniang Kabataan sa ating bayan.”
Pagpapatuloy ni Napiza, kusang-loob raw siyang nagbitiw sa kaniyang puwesto bilang pagdidisiplina umano sa sinabi niya na ng maling nagawa bilang isang lingkod-bayan.
“Bilang pagdidisiplina sa aking sarili dahil sa aking nagawang mali bilang isang lingkod-bayan, ako ay kusang-loob na bumababa sa aking tungkulin bilang SK Chairperson ng Barangay Bubukal, epektibo rin ngayong araw, ika-20 ng Pebrero 2026,” ‘ika niya.
“Maraming-maraming salamat po,” pagtatapos pa niya.
Kaugnay nito, matatandaang agad na nakarating ang naturang viral na video kay Sta.Cruz, Laguna Mayor Benjo Agarao at agad nitong na ipinag-utos na imbestigahan ang mga pangyayari, lalo't isang public servant umano si Napiza.
Samantala, habang sinusulat ito, hindi pa muling naglalabas ng pahayag si Napiza kaugnay sa kaniyang social media account kaugnay sa kaniyang pagbibitiw sa puwesto.
KAUGNAY NA BALITA: Kinuyog sa kadugyutan! SK chairman sa Laguna, nag-sorry sa paghawak sa mga panindang siopao at hotdog
Mc Vincent Mirabuna/Balita