February 20, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Nairita ako sa totoo lang!' K Brosas, pinalagan Alvin Aragon sa isyu ng LGBTQIA+

'Nairita ako sa totoo lang!' K Brosas, pinalagan Alvin Aragon sa isyu ng LGBTQIA+
Photo courtesy: K Brosas/FB, via Balita


Hindi nakapagtimpi at tuluyan na ngang nag-react ang singer-comedian na si K Brosas matapos magbitiw ng mga pahayag si Alvin Aragon kaugnay sa mga magulang na may anak na miyembro ng LGBTQIA+ community.

Sa isang pahayag kasi ni Alvin, nagbahagi ito ng kaniyang mga sentimyento kaugnay sa kabutihan ng mga magulang na nagkaroon ng mga anak na LGBTQIA, kasabay ang pagkuwestiyon kung kalugod-lugod daw ba ito sa paningin ng Diyos.

“In-accept ‘yong lalaki mong anak na nagpakabakla? ‘Yon ba ang mabuting tatay? O mabuting tatay ‘yong nagagalit ‘bakit ka bakla? E lalaki ka na ginawa ng Diyos!’ Sino ang mabuting tatay?” ani Alvin.

Sa naturang panayam, nabanggit ni Alvin si K Brosas at ang ilan pang mga personalidad na may anak ding miyembro ng LGBTQIA+ community gaya ng rapper na si Gloc-9 at aktor na si Ian Veneracion.

Sa ibinahagi namang video statement ni K Brosas noong Huwebes, Pebrero 19, sinabi niyang hindi naman sana siya magsasalita kung siya ay hindi binanggit mismo ni Alvin.

“Galit na galit, gustong manakit kuya? Alam ko, trending ka for how many weeks na ba? O days, ‘di ko alam. Ayoko sana magsalita kaso binanggit mo ‘yong pangalan ko kuya, e, binanggit mo kami,” panimula ni K Brosas.

Aniya, “Parang kinondena mo kami dahil tanggap namin mga anak namin? Dahil member sila ng LGBTQ? Ano namang pakialam mo? May ambag ka ba kahit noong preschool? Nagbigay ka ba ng baon? Charot!”

Giit pa niya, marami naman daw kilalang Kristiyano si K Brosas, ngunit tila iba raw ang galit ni Alvin sa mga miyembro ng LGBTQIA+.

“‘Di ba, kasi, mayroon pang palakpak, woooh, iba ‘yong galit mo kuya. Woooh palakpakan. Nag-come out ang anak ko at sinuportahan ko, ‘di naman lahat pinalakpakan ako. Marami din naman na mangilan-ngilan na siyempre mga of course, mga katulad mo—hardcore na Christian. Although marami akong kilala ding mga Christian na may respeto naman. Kuya kasi ikaw ‘yong galit mo iba e,” giit niya.

Ani K Brosas, “Tapos lagi mo mine-mention ‘yong Bible, e ayokong pag-usapan ang Bible kasi lagi niya binabanggit ‘yong Sodom at Gommorrah. ‘Yong totoo kuya, nandoon ka ba? Baka mayroon ka, baka na-Facebook live mo? Charot!”

“Again, nagjo-joke lang ako ha. Kasi sa totoo lang, nairita ako, sa totoo lang. ‘Yon lang talaga. Dinadaan ko sa joke kasi ‘yong galit niya sa buong member ng LGBTQ—’yong galit niya sa pananamit, ‘yong mga songs and everything, so ilan na lang kaya ang pupunta sa langit, pito?” pagbibiro pa niya.

Buwelta pa ng singer-comedian, naniniwala siya na puso ng bawat isa ang tinitingnan ng Panginoon.

“Naniniwala ako si Lord, accommodating. Oo, hindi ‘yan magtatanong pagdating ko [sa langit], ‘pag namatay ako, tinanong ako, ang titingnan niyan, laman ng puso ko. Makikita niya, ay hindi perpekto ito pero at least ganito, tama. Ganoon ang feeling ko, hindi ‘yong ilang beses ka sumayaw ng spaghetti pababa? Gumiling ka ‘di ba? Ilang beses nakita ‘yong kuyukot mo sa shorts? ‘Di ba, come on,” anang singer-comedian.

Matatandaang naging maugong ang pangalan ni Alvin kamakailan matapos ang isyung kinaharap nito dahil sa kaniyang pananaw sa homosexuality, at ang mga binitawan niyang mga komento ukol naman sa girl group na “SexBomb,” kung saan miyembro dati ang kaniyang asawang si Izzy Trazona-Aragon.

MAKI-BALITA: KILALANIN: Si Alvin Aragon na bina-bash dahil sa misis na si Izzy Trazona, pananaw sa homosexuality

Vincent Gutierrez/BALITA