May 22, 2026

Home SHOWBIZ

'Maka-Duterte po ako!' Aiko Melendez, 'di ikinakahiya suporta kay VP Sara

'Maka-Duterte po ako!' Aiko Melendez, 'di ikinakahiya suporta kay VP Sara
Photo courtesy: Aiko Melendez/FB


Walang prenong inihayag ng aktres at Quezon City councilor na si Aiko Melendez ang pagsuporta niya kay Vice President Sara Duterte.

Kaugnay ito sa pag-anunsyo ni VP Sara ng kaniyang interes na tumakbo sa pagkapangulo sa darating na 2028 elections.

“Ako si Sara Duterte, tatakbo bilang Pangulo ng Pilipinas,” saad ni VP Sara sa ikinasang press briefing ng Office of the Vice President (OVP) sa Mandaluyong City kamakailan.

MAKI-BALITA: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!-Balita

Ayon naman sa ibinahaging Facebook post ni Aiko noong Huwebes, Pebrero 19, alam niya na siya ay babanatan dahil sa kaniyang politikal na paniniwala.

“Inday Sara Duterte for President 2028,” saad ni Aiko sa kaniyang post.

Giit niya, “Alam ko, babanatan na naman ako dahil simula’t sapul, malinaw na kung saan ako nakatayo. Maka-Duterte po ako. At hindi ko ito ikinahihiya.”

“Tahimik akong nagtratrabaho. Hindi ako naninira. Hindi ako nakikisawsaw sa personalan o panlalait ng mga kalaban. Para sa akin, hindi ingay at galit ang sukatan ng liderato kundi gawa, prinsipyo, at paninindigan,” dagdag pa niya.

Inisa-isa rin ng konsehala ang aniya’y batayan niya kung bakit si VP Sara ang napupusuan niyang susunod na Pangulo ng bansa.

“Ang batayan ko kung bakit si Sara Duterte ang aking presidente: Trabaho, hindi puro salita, tapang, hindi palusot, disiplina, hindi pa-impress, at higit sa lahat, takot sa Diyos,” anang konsehala.

Aniya, “Naniniwala ako na kapag ang isang lider ay may malinaw na prinsipyo, may malasakit sa bayan, at may pananagutan sa Diyos, doon nagmumula ang tunay na serbisyo. Hindi perpekto ang kahit sino, pero ang mahalaga ay totoo, matatag, at handang manindigan kahit hindi popular.”

“Hindi ito tungkol sa kulay o pangalan. Ito ay tungkol sa direksyon ng bansa. At sa direksyong iyon, malinaw sa akin kung sino ang pinaniniwalaan ko. Sara Duterte for President 2028. Paninindigan. Serbisyo. Pananampalataya,” pagtatapos niya.

Matatandaang isiniwalat na kamakailan ni Aiko na silang dalawa ni VP Sara ay matagal nang magkakilala—at sila ay may personal na palitan na rin ng mga mensahe.

“Personal po siyang sumasagot sa mga mensahe,” ani Aiko.

MAKI-BALITA: 'Tapang bilang babae, 'di matatawaran!' Story time ni Aiko tungkol kay VP Sara, umani ng reaksiyon-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA