Kakayanin at handa raw si Sen. Robin Padilla kung sakaling palarin siyang manalo kapag tumakbo sa pagiging Vice President sa 2028 National Elections.
Sa kaniyang pahayag nitong Biyernes, Pebrero 20, 2026, sinabi niyang ipinanganak daw siyang handa at iginiit na ‘spare tire’ lang naman daw ang naturang posisyon.
“Ipinanganak po tayong ready. Lalo na ‘yan, para sa akin… Vice President, hindi naman masyadong ano yan…puro advocacy lang ‘yan eh. Parang ikaw ang spare tire, ‘di ba? Kayang-kaya ‘yan,” saad ni Padilla.
Matatandaang minsan nang iginiit ni Padilla na mas nais niya raw na Vice President si Sen. Imee Marcos at maging running-mate ito ni Vice President Sara Duterte sa pagtakbi bilang Pangulo.
Sa ambush interview ng media kay Padilla noong Miyerkules, Pebrero 18,tahasang iginiit ng senador ang kagustuhan niyang pagtambalin si VP Sara bilang Pangulo ng Pilipinas habang Bise Presidente naman si Sen. Imee.
“Ayun ang VP ko oh, si Imee,” ani Padilla.
Nang tanungin kung bukas siya na maging running mate ni VP Sara, sagot ng senador, "Hindi po, si Imee ang gusto ko. Ano ako eh, Sara-Imee."
Saad pa ni Padilla, panahon na raw upang maramdaman ng mga Pilipino ang pamumuno ng dalawang babae sa pinakamatataas na posisyon sa gobyerno.
“Panahon na para maramdaman ng mga Pinoy ang girl power,” anang senador.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin, bet ang tambalang Sara-Imee sa 2028
Samantala, sinabi rin ni Padilla na bagama’t ayaw niya sa politika, ay nakahanda pa rin daw siyang takbuhan ang nasabing posisyon kapag inutusan siya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Kapag utos ni Digong. Walang pwedeng mag utos sa akin kahit sino, si Digong lang,” ani Padilla.
“Kasi ayaw ko talaga ng pulitika, alam naman lahat ng… nanay ko alam yan, mga kapatid ko, asawa ko. Basta sinabi ni Digong susunod ako,” anang senador.
KAUGNAY NA BALITA: 'Basta inutos ni Digong, susunod ako!' Sen. Robin, raratsada sa pagka-VP sa 2028?