Pinagbigyan ng International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I ang apela ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi sumipot sa confirmation of charges hearing.
Sa dokumento ng Chamber na may petsang Pebrero 20, nagpasya silang pagulungin ang buong pagdinig mula Pebrero 23 hanggang Pebrero 27 nang walang presensiya ni Duterte.
“The Chamber hereby grants the request; decides that the hearing on the confirmation of charges will be held in the absence of Mr. Duterte,” saad sa dokumento.
Matatandaang hiniling ni Duterte na i-waive ang kaniyang karapatang dumalo sa pagdinig ng ICC kaugnay sa confirmation of charges laban sa kaniya
Anang dating Pangulo, nauunawaan niya ang magiging epekto ng hindi pagdalo at ipinauubaya niya sa kaniyang mga abogado ang pagharap sa mga ebidensiya ng prosecution.
Bukod dito, iginiit din niyang hindi umano niya kinikilala ang hurisdiksiyon ng ICC at sinabing labag sa soberanya ng Pilipinas ang pagkakadala sa kaniya sa Netherlands.