Nag-viral sa social media ang video ng isang mister na iniwan ang kaniyang lisensya sa isang botika para mabilhan ng gamot ang may sakit niyang misis.
Mapapanood sa TikTok reel ng netizen na si Jim Soriano na bumili ng antibiotic ang isang lalaki sa kaniyang pharmacy ngunit imbes na pera, nakiusap itong iwan muna ang lisensya niya dahil kinabukasan pa raw ito sasahod.
Bagama’t makikita na matumal ang dating ng customers sa botika, ibinigay pa rin ni Jim ang mga gamot na binili ng lalaki.
Ang nasabing video ay umani ng 1.6 million engagements at 13.6K comments, kung saan, karamihan ng netizens ay naantig at nagtatanong magkano ang inabot ng mga nabiling gamot ng lalaki at kung paano maipaaabot ang tulong nila rito.
Kaya ang nag-viral na video ay nasundan pa ng part two, kung saan, makikita na dala na ng customer ang misis niya.
Dito ay inabot ni Jim sa mag-asawa ang tatlong bag ng grocery supplies mula sa tulong na ipinaabot ng netizens, nagulat ngunit masayang tinanggap ng mag-asawa.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Jim, ibinahagi niya na ang nasabing customer ay si Moises Labrador.
Aniya, saktong Pebrero 14, Valentine’s Day nang pumunta si Moises sa botika para bilhan ng antibiotic ang misis nito, at lubos daw siyang naawa nang makita na sinasangla nito sa kaniya ang lisensya nito.
Saad pa ni Jim, naalala niya kay Moises ang mga magulang niya senior citizens na rin ang mga ito.
Kaya ganoon na lamang ang tuwa niya nang maraming netizens ang ninais magpaabot ng tulong kay Moises at sa asawa nito, sa pamamagitan ng mabilis na pag-viral ng video mula sa CCTV footage ng kaniyang pharmacy.
“No’ng nakita ko [‘yung] mga tao na gusto magpaabot ng tulong kay tatay [Moises], nakakataba po ng puso pati ‘yung mga comments nila na sobrang nakaka-overwhelm,” ani Jim.
Samantala, sa panayam ni Moises sa media noong Biyernes, Pebrero 19, na ni-repost din ni Jim sa kaniyang TikTok, binanggit ni Moises na noong oras na iyon, hindi alam ng misis niya na sinubukan niyang mag-ikot at mangutang sa mga kakilala.
Nang wala siya nahiram na pera, naglakas-loob na raw siyang pumunta sa botika, at dito na niya sinubukang isangla muna ang lisensya kahit na pagmamaneho ang kaniyang pangkabuhayan, dahil wala raw talaga siyang pera noon, at ubos na ang iinumin na gamot ng asawa.
Kaya naging malaking tulong sa kanila hindi lamang ng mga gamot kung hindi pati na rin ang naging munting tulong ng netizens sa kanila.
Sean Antonio/BALITA