Nanumpa na ang dating appointee ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty. Melvin Matibag bilang bagong director ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Biyernes, Pebrero 20.
Pinangasiwaan ni Executive Secretary (ES) Ralph Recto ang oath-taking ni Matibag, na siyang hahalili kay ex-NBI director Angelito Magno.
Noong Huwebes, Pebrero 19, matatandaang kinumpirma ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na si Matibag nga ang bagong hepe ng ahensya.
"Magkakaroon po ng bagong NBI Director sa katauhan po ni Atty. Melvin Matibag,” saad ni Castro sa ginanap na press briefing ng PCO.
Natanong din ang press officer hinggil sa dahilan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang piliin si Matibag bilang bagong NBI director, gayong ito ay nagsilbi sa administrasyong Duterte.
"Unang-una, masasabi natin bakit niya in-appoint o ia-appoint? Nandun po ‘yong tiwala. Nakitaan po niya si Atty. Melvin Matibag na maaaring pagtiwalaan, maaaring magtrabaho para sa gobyerno. Pero kung ano ang reason, hindi pa po nasasabi sa akin in details,” anang press officer.
Si Matibag ay dating Secretary-General ng PDP-Laban, na nag-resign din noong taong 2023.
KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Ex-Duterte appointee Atty. Melvin Matibag, ang nakatakdang bagong NBI Director-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA
Photo courtesy: Office of the Executive Secretary via One News