Tinawag na “team itim power” ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro ang lumutang na tambalan nina Vice President Sara Duterte at Sen. Imee Marcos para sa presidential election sa darating na 2028.
Matatandaang inihayag ni Sen. Robin Padilla ang pagnanais niya sa tambalan nina VP Sara at Sen. Imee sa Halalan 2028, matapos na pormal na mag-anunsyo ng pangalawang pangulo ng kaniyang pagtakbo bilang Pangulo ng Pilipinas sa darating na eleksyon.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin, bet ang tambalang Sara-Imee sa 2028
Ayon naman sa naging panayam sa Unang Balita ng GMA Integrated News kay Castro nitong Huwebes, Pebrero 19, 2026, sinabi niyang para raw “powerpuff girls” ang nasabing usap-usapang tandem nina VP Sara at Sen. Imee.
“Parang powerpuff girls lang. Kulang pa ng isa,” pagsisimula niya, “Girl power daw ay ‘di ramdamin niya—ramdamin ng buong Pilipinas ang kanilang power.”
Ani Castro, mas maganda raw na tawaging “team itim power” ang naturang tambalan nina VP Sara at Sen. Imee sa halip na “girl power.”
“Team itim power. Actually hindi girl power [kundi] team itim power,” aniya.
Hindi naman daw natanong ni Castro si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kaugnay rito dahil medyo huli na nang pumutok ang mga balita sa nasabing usapin sa tambalan ng dalawa.
“Hindi ko pa natanong ang Pangulo patungkol diyan kasi parang late na ito lumutang kahapon,” pagkukuwento niya.
Pagpapatuloy ni Castro, hindi raw naisipang makipagkoalisyon sa ibang political parties ng administrasyon dahil hindi naman daw nila pinag-uusapan ang politika sa kanilang mga pagpupulong.
“Sa totoo lang, kapag nakakasama natin ang Pangulo sa pagme-meeting, hindi po talaga napag-uusapan sa ngayon ang politika patungkol diyan. Katulad niyan, busy ang Pangulo sa ASEAN… Pangalawa, lagi niyang kausap ngayon ang economic team para iangat ang ekonomiya,” saad niya.
“If there is a politician, you will think of the next election. But if you are a statesman, you will think of the next generation. So ‘yong mga nag-iisip talaga ngayon ng politika, ang aga-aga, alam mo na ang nasa dibdib: sarili [at] para iangat ang sarili, i-promote agad ang sarili, hindi iniisip na i-promote ang bansa,” pagtatapos pa ni Castro.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!
KAUGNAY NA BALITA: PBBM sa presidential bid ni VP Sara: 'Good luck!'
Mc Vincent Mirabuna/Balita