February 19, 2026

Home BALITA National

'Usapin din ito ng integridad at pananagutan!' LP, may sey sa kandidatura ni VP Sara

'Usapin din ito ng integridad at pananagutan!' LP, may sey sa kandidatura ni VP Sara
Photo courtesy: Liberal Party of the Philippines/FB, via Balita


Nagbigay ang Liberal Party (LP) ng kanilang komento hinggil sa pagdeklara ni Vice President Sara Duterte ng kaniyang interes na tumakbo bilang susunod na Pangulo ng Pilipinas.

Matatandaang inilahad ng pangalawang pangulo ang kaniyang desisyong pagtakbong Pangulo sa isinagawang press briefing ng Office of the Vice President (OVP) noong Miyerkules, Pebrero 18, sa Mandaluyong City.

“Ako si Sara Duterte, tatakbo bilang Pangulo ng Pilipinas,” saad ni VP Sara.

MAKI-BALITA: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!-Balita

Ayon naman sa ibinahaging pahayag ng LP nitong Huwebes, Pebrero 19, iginiit nilang mas kinakailangan daw ng Pangalawang Pangulo na linisin ang pangalan nito, kasunod ng kaniyang pag-anunsyo ng kaniyang pagkandidato sa Halalan 2028.

“Ngayong nagdeklara na si VP Sara Duterte ng hangaring tumakbo bilang Pangulo sa 2028, lalong nagiging mahalaga na linisin ang kanyang pangalan sa harap ng mga akusasyon,” saad ng LP.

Giit nila, “Kung malinis ang kanyang konsensiya at tama ang kanyang mga naging desisyon, malinaw ang dapat gawin: harapin ang proseso, ilabas ang katotohanan, at ipaliwanag ang ebidensiya. Tatapusin ng isang bukas at konstitusyunal na pagdinig ang anumang pagdududa. Ang ebidensiya mismo ang magpapakita na karapat-dapat siya sa tiwala ng milyun-milyong Pilipino.”

Inilahad din ng partido na ang pagkapangulo ay bumabalangkas sa usapin ng integridad at pananagutan, hindi lamang sa pangalan at lakas ng makinarya.

“Hindi lamang usapin ng pangalan at lakas ng makinarya ang pagtakbo sa pagkapangulo. Usapin din ito ng integridad at pananagutan. Seryoso ang mga paratang kaugnay ng paggamit ng pondo ng taumbayan. Delikado para sa ating demokrasya at mamamayan kung hahayaan lang na nakabitin ang mga tanong, lalo na at may kinalaman sa isang taong naghahangad ng pinakamataas ng opisina sa ating pamahalaan,” anang partido.

“Hindi lang basta sinasabi ang kahandaang mag-alay ng buhay, lakas, at kinabukasan sa bansa. Pinatutunayan ito,” pagtatapos nila.

Samantala, ipinaabot naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang kaniyang “good luck” para sa plano ng Pangalawang Pangulo.

"Nadinig niya po at ang sabi niya eh, good luck. Iyon lamang po,” ani Usec. Castro sa ginanap na press briefing ng PCO noong Miyerkules, Pebrero 18.

MAKI-BALITA: PBBM sa presidential bid ni VP Sara: 'Good luck!'-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA