February 19, 2026

Home BALITA National

Palasyo, nanindigang naaayon sa batas ang pag-aresto kay FPRRD

Palasyo, nanindigang naaayon sa batas ang pag-aresto kay FPRRD
Photo courtesy: RTVM/YT, MB


Idiniin ng Malacañang na nakabase sa umiiral na batas ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, at ang pagpapadala rito sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Sa press briefing na isinagawa ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Huwebes, Pebrero 19, nanindigan si PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na ito ay naaayon sa batas.

“Ang pagpapadala po sa dating Pangulong Duterte sa ICC, or sa The Hague, ay ayon po sa batas,” saad ni Castro.

Giit niya, “RA 9851, maliwanag ang sinasabi sa Section 17, na kapag ang isang kaso o isang complaint ay dinidinig na sa isang State o international tribunal or court, maaari pong i-dispense with na ng gobyernong ito ang anumang pag-iimbestiga—at hayaang magpatuloy ang pag-iimbestiga sa nasabing state or international tribunal.”

Anang press officer, ginawa lamang ito ng pamahalaan upang makamtan ng mga umano’y biktima ang hustisya, pati na rin ang akusado.

“‘Yon po ang ginampanan at ‘yon ang naging paraan ng gobyernong ito para po makamtan ang sinasabi nating hustisya ng mga nagcomplain—or kahit po ang akusado,” anang press officer.

“Kung [pera ng] taxpayer po ang ginamit [dito], ito lang po ay naaayon sa batas dahil gumaganap lang po ang gobyernong ito sa kaniyang katungkulan—maliban po sa sinabi nating pag-cooperate with the Interpol, pagpapatupad ng batas na RA 9851, mayroon din pong residual obligation ang administrasyon na ito upang ipatupad ang dating napagkasunduan na noong tayo pa ay miyembro ng ICC o ng Rome Statute,” dagdag pa niya.

Sa kasalukuyan, nakapiit pa rin sa ICC si FPRRD, at nakatakdang isagawa ang pagdinig ng korte hinggil sa confirmation of charges laban sa kaniya sa darating na Pebrero 23 hanggang 27.

KAUGNAY NA BALITA:  'Duterte is able to defend himself!' De Lima, nag-react sa waiver ni FPRRD sa ICC-Balita

Sa kaugnay na ulat, matatandaang sinabi rin ng Palasyo na sa ngayon, ay walang hurisdiksyon ang ICC sa bansa.

“Sa ngayon [ay walang jurisdiction ang ICC sa Pilipinas], pero iba po ang pinag-uusapan kung ang mga na-commit na diumanong crime ay naganap noong mayroon pang jurisdiction ang ICC [sa Pilipinas],” saad ni Castro sa press briefing ng PCO kamakailan.

MAKI-BALITA: Malacañang, nanindigang walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas 'sa ngayon'-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA