Nito lamang Huwebes, Pebrero 19, inanunsyo ng Palasyo na magkakaroon na ng panibagong director ang National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro, napili si Atty. Melvin Matibag bilang bagong director ng nasabing ahensya, kung saan siya ay hahalili sa kasalukuyang director na si Angelito Magno.
"Magkakaroon po ng bagong NBI Director sa katauhan po ni Atty. Melvin Matibag,” saad ni Castro.
Ngunit sino nga ba si Atty. Melvin Matibag, ang nakatakdang bagong NBI Director?
Si Atty. Melvin Matibag ay nagsilbi sa administrasyong Duterte, kung saan siya ay in-appoint bilang acting Cabinet Secretary noong taong 2022.
Liban pa rito, si Matibag ay naging Secretary-General ng PDP-Laban, at nag-resign din noong 2023.
Siya ay kilala rin bilang Presidente at CEO ng National Transmission Corporation, at dating general manager ng Manila International Airport Authority.
Base pa sa mga ulat, nagturo din si Matibag bilang “legal instructor” sa iba’t ibang mga unibersidad.
Ayon kay Castro, mukhang nakitaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maaaring pagkatiwalaan si Matibag, kung kaya’t ito ang napili niya na hahalili kay Magno.
"Unang-una, masasabi natin bakit niya in-appoint o ia-appoint? Nandun po ‘yong tiwala. Nakitaan po niya si Atty. Melvin Matibag na maaaring pagtiwalaan, maaaring magtrabaho para sa gobyerno. Pero kung ano ang reason, hindi pa po nasasabi sa akin in details,” ani Castro.
Samantala, wala pang tiyak na petsa kung kailan manunumpa si Matibag bilang opisyal na director ng NBI.
Vincent Gutierrez/BALITA