February 19, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Ano ba ang mga dapat at hindi dapat gawin tuwing kuwaresma?

ALAMIN: Ano ba ang mga dapat at hindi dapat gawin tuwing kuwaresma?
Photo courtesy: Unsplash

Ang “Lenten season” o Kuwaresma ay ang panahon kung saan ang mga katoliko ay nagdarasal, nag-aayuno, at nagninilay-nilay bilang paggunita ng paghihirap ni Hesus sa krus at muling pagkabuhay Niya. 

Ang 40-araw na ito ay minarkahan ng Ash Wednesday o Miyerkules ng Abo, kung saan, sinisimbolo ng abo ang pagluluksa, spiritual awareness, at pagsisisi sa mga kasalanan, hanggang Linggo ng Pagkabuhay. 

MAKI-BALITA: ALAMIN: Ano ba ang sinisimbolo ng abo tuwing ‘Ash Wednesday?’

Sa mga panahon na ito, nakagawian na ng maraming Katoliko ang magtuon ng oras sa pagdarasal, pag-aayuno, at pagninilay-nilay. 

Human-Interest

ALAMIN: Paano malalaman kung dapat na mag-confess?

Para sa ilan, kasama rin sa tradisyon nila tuwing Kuwaresma ang pagkakawanggawa. 

Narito pa ang ilan sa mga inaabisong dapat at hindi dapat gawin tuwing panahon ng Kuwaresma: 

1. Iwasang mag-ayuno para lamang ipakita ito sa iba

Ayon sa katuruan ng Bibliya, ang pag-aayuno ay ang paglapit sa presensiya ng Panginoon at paglagak ng mga kasalanan upang magkaroon ng bagong buhay. 

Kaya inaabiso ng Simbahang Katolika ng iwasang mag-ayuno para lamang mai-post sa social media o makita ng ibang tao, dahil ito ay hindi para mabago ang isip ng Panginoon sa ating mga dasal, ngunit para maging tama ang puso sa Kaniyang mga plano at magbigay-galang sa awtoridad Niya sa buhay natin. 

2. Iwasang magreklamo bagkus ay maging masiyahin 

Ayon pa sa Simbahang Katolika, iwasan na sadyaing pukawin ang atensyon ng ibang tao dahil ang pag-aayuno ay tungkol sa relasyon sa Panginoon at hindi sa sarili. 

Kaya imbes na magreklamo at pagmukhain na nagluluksa o nalulungkot ang sarili, inaabiso na maging mapagpasalamat at masiyahin sa paglalagak ng sakripisyo para sa Panginoon. 

3. Iwasang kumain ng mga putaheng may karne

Ayon sa Simbahang Katoliko, ang pag-iwas sa pagkain ng karne tuwing Kuwaresma ay nagsisimula sa mga Katolikong nasa edad 14. 

Partikular ito sa mga tatamaan na Biyernes ng Kuwaresma, Ash Wednesday, at Good Friday, upang gunitain ang pagsasakripisyo ni Kristo sa kaniyang pagkakatawang-tao. 

Ayon sa Simbahan, kabilang dito ang beef, pork, chicken, at turkey. 

Sa kabilang banda, hindi naman kasama rito ang anumang uri ng lamang-dagat tulad ng isda, hipon, at oysters. 

4. Dumayo sa Holy Week Masses

Upang mas mapagyaman ang buhay-espiritwal, inaabiso ng Simbahang Katolika na maging maagap at disiplinado sa pagpunta sa mga misa na gaganapin sa Holy Week, kabilang ang taimtim na pagdarasal ng rosaryo. 

5. Maglaan ng oras at serbisyo sa mga pagkakawanggawa ng Simbahan

Ang Kuwaresma ay hindi lamang para sa pagpapayaman ng sariling espiritwal na buhay, ngunit pati na rin sa iba. 

Kaya inaabiso ng Simbahang Katolika na ipahayag ang pagmamahal ng Panginoon sa pamamagitan ng pagkakawanggawa at pagiging mapagbigay. 

Sa paggunita sa Kuwaresma sa makabagong panahon, hinihikayat din ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga Katoliko ang pag-aayuno sa digital distractions. 

Ayon sa inilabas nilang pahayag noong Lunes, Pebrero 16, binanggit ng CBCP na ang “Digital media fast” ay makatutulong para maibalik ang balanse sa pang-araw-araw na buhay. 

Magsisilbi rin daw itong paalala na ang teknolohiya ay dapat maging daan para mas mapabuti ang buhay at hindi para sakupin ito. 

“Digital media fasting invites a rediscovery of silence, prayer, contemplation, and authentic relationships. It is not meant to punish the body but to free the heart,” saad ni CBCP President Gilbert Garcera. 

Sean Antonio/BALITA