Sunod-sunod na mga kapatawaran ang hiningi sa publiko ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa naging pagtulong niya umano noon na mahalal sa puwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at sa iba pang mga usapin.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!
Ayon sa isinagawang press briefing ni VP Sara sa Mandaluyong City nitong Miyerkules, Pebrero 18, 2026, ikinuwento niyang nakita na raw niya agad sa mga unang buwan pa lamang ng kanilang termino ang umano’y kawalan ng katapatan ni PBBM sa kaniyang sinumpaang tungkulin.
“Sa unang mga buwan ng aming mga termino nakita ko na ang kawalan ng katapatan ni Bongbong Marcos, Jr sa mga pangakong binitawan noong kampanya,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Pati na sa kaniyang sinumpaang tungkulin para sa bayan.”
Dahil umano rito, hindi raw niya kinaya at iyon ang naging dahilan ng pag-alis niya sa gabinete ng Pangulo.
“Dahil hindi ko kinaya na maging bahagi ng 2025 national budget na tadtad ng katiwalian, pinili kong umalis sa gabinete kahit alam ko na mula pa noong 2023 na ang magiging kapalit ay ang aking impeachment,” saad niya.
Matapos nito, sunod-sunod na paghingi ng kapatawaran ang nasambit ni VP Sara dahil sa umano’ pagtulong niyang mahalal si PBBM, mga naging biktimang nalunod sa baha, lantarang pang-aabuso umano ng mga politiko, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at iba pa.
“Mga kababayan, humihingi ako ng paumanhin. Patawad kong tinutulungan ko mahalal si BBM bilang Pangulo ng ating bansa. Patawad kung hanggang ngayon ay marami pa ng Pilipino ang nalulunod sa baha nang dahil sa malawakang korapsyon,” aniya.
Patuloy pa niya, “Patawad kung lantarang ang pang-aabuso ng ating mga institusyon para sa pansariling interes ng mga politiko. Patawad kung patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin habang nananatiling kapos ang kita ng bawat pamilya.”
“Patawad kung wala man lang tayong tunay na seguridad sa pagkain. Patawad kung nagkakasakit at binabawian bigla ng buhay dahil sa kakulangan ng maayos at epektibong health care system,” pagtatapos pa ni VP Sara.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang Palasyo kaugnay rito.
Sa parehong press briefing, pormal ring inanunsyo ni VP Sara ang opisyal niyang pagtakbo bilang Pangulo ng Pilipinas sa paparating na Halalan 2028.
Ani VP Sara, ilalaan daw niya ang kaniyang buhay, lakas, at “future” o hinaharap para magserbisyo sa bansa sa halip na lumuhod at humingi ng kapatawaran dahil sa pagtulong kay PBBM.
“Ako si Sara Duterte, tatakbo bilang Pangulo ng Pilipinas,” anunsyo niya.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!
Mc Vincent Mirabuna/Balita