Bumuwelta si dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV kay Sen. Bam Aquino na tila nagbibida-bida umano ito sa usapin ng Extrajudicial killing (EJK) na nangyari noon.
Matatandaang sinabi ni Aquino sa isang panayam noong Martes, Pebrero 17, 2026, na naniniwala pa rin umano siya na dapat raw sa loob ng Pilipinas maisagawa ang mga trial ng Korte tungkol sa mga kasong may kaugnayan sa EJK.
“Pero ako, personally, nasabi ko na naman ito noon, ‘yong mga nangyaring pagpatay sa ating bansa, at kailangan po nating harapin na nagkaroon talaga ng Extrajudicial Killings sa ating bansa, ay dapat po ‘yong mga trial po niyan ay ideally dapat dito po talaga sa Pilipinas kasi ‘yong mga biktima po ay nandito rin sa Pilipinas,” saad ni Aquino.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bam, nanindigang sa loob ng Pinas gawin ang trial sa EJK!
Ayon naman sa naging sagot ni Trillanes sa kaniyang Facebook post nitong Miyerkules, Pebrero 18, 2026, binalikan niya ang naging pambabatikos umano sa kaniya noon ng mga tagasuporta ni Aquino at dating Vice President at kasalukuyan nang Naga City Mayor Leni Robredo.
“Last year, binash ako ng mga supporters ni Sen. Bam at VP Leni nung namention ko sa interview with Christian Esguerra na sinabi nila sakin na kung mananalo si VP Leni as president ay di nya ibibigay si digong sa The Hague,” pagsisimula niya.
Screenshot mula sa FB post ni Trillanes.
Diin pa niya, “Ngayon, napatunayan na nagsasabi ako ng totoo dahil galing na mismo kay Sen. Bam.”
Ani Trillanes, personal raw para sa kanilang mga nagsampa ng kaso kay FPRRD, nag-alaga sa mga testigo, at nangalap ng mga ebidensya para makamit ang hustisya ang nasabing pahayag ni Aquino.
“This is personal to us na mga nag-file ng kaso; nag-alaga ng mga testigo; at nangalap ng mga ebidensya para lang makamit ang hustisya na di maibibigay dito sa Pilipinas kahit gaano mo pa paikutin,” aniya.
Buwelta niya sa senador at iba pang hindi niya pinangalanan, mga nagbibida-bida lang daw ang mga ito na may malasakit para sa mga biktima pero wala naman umanong ginawa noong kasagsagan na nagaganap ang EJK sa bansa.
“Siyam na taon ang inantay ng mga pamilya ng mga biktima habang ang mga nagbibida-bida ngayon na may malasakit kuno sa mga biktima ay wala namang ginawa [no’ng] kasagsagan ng EJK,” saad niya.
Kinuwestiyon din ni Trillanes kung nakasuhan ba raw nito sa lokal na mga Korte si FPRRD at umano’y mga “co-perpetrator” nito sa panahon ng war on drugs.
“Para maliwanag, Sen. Bam, kung talagang naniniwala kang dapat dito litisin ang mga EJK cases, kinasuhan mo ba sa local courts si digong at iba pang co-perpetrators nung mga panahong iyon?” tanong niya.
Dagdag pa niya, “Sa mga hihirit naman na ‘ideally’ ang sinabi mo, maliwanag dun sa sinabi nyo sakin nung campaign nung 2022 na HINDI NYO IPAPADALA si digong sa The Hague kahit may ICC warrant of arrest.”
Pagpapatuloy pa ni Trillanes, pampapogi lang ba raw ang naging pahayag ni Aquino para sa mga Duterte supporters dahil insensitibo at “unfair” daw iyon para sa kaniya.
“Besides, alam rin naman natin na ang justice system dito ay far from ideal lalo na sa mga makapangyarihan, so para saan pa ang statement mo? Pa-pogi lang sa mga DDS at the expense ng mga nagsakripisyo?” anang dating senador.
“That's so insensitive and so unfair,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, hindi pa naman naglalabas ng pahayag, tugon, o reaksyon si Aquino kaugnay sa nasaad ni Trillanes.
MAKI-BALITA: Lacson, nanindigang kailangang idaan sa lokal na korte sina Go, Dela Rosa
MAKI-BALITA: Dela Rosa, Go, atbp., co-perpetrators sa war on drugs ni FPRRD—ICC
Mc Vincent Mirabuna/Balita