Isiniwalat ng Malacañang na wala pang naikakasang dayalogo kaugnay sa umano’y posibleng alyansa ng administrasyon at ng oposisyon para sa isasagawang halalan sa taong 2028.
Kaugnay ito sa anunsyong ibinahagi ni Vice President Sara Duterte sa isang press briefing ng Office of the Vice President (OVP) nitong Miyerkules, Pebrero 18, sa Mandaluyong City, kung saan sinabi niya na siya ay kakandidato bilang Pangulo sa susunod na eleksyon.
“Ako si Sara Duterte, tatakbo bilang Pangulo ng Pilipinas,” saad ni VP Sara.
MAKI-BALITA: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!-Balita
Ayon naman kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro nito ring Miyerkules, Pebrero 18, magbibigay siya ng update kung sakaling mangyari man ang nasabing usapan.
“Hindi pa po napag-uusapan. Sa ngayon, hindi pa po ‘yan napag-uusapan,” ani Usec. Castro sa press briefing ng PCO.
Giit pa niya, “Sa ngayon po ay wala pa pong napag-uusapan at kung mayroon pong magiging update patungkol po diyan ay ibibigay po namin agad sa inyo.”
Ibinahagi rin ng press officer sa nasabing briefing ang pagkakaiba ng politician at statesman.
“Mayroon nga po tayong kasabihan at ito’y nabanggit ko na: ang pagkakaiba ng politician at ng statesman. Ang politician, ang iniisip, ang susunod na eleksyon; ang statesman, ang iniisip, ang susunod na henerasyon,” anang press officer.
Sa kaugnay na ulat, matatandaang nagkomento ang Koalisyong Makabayan nito ring Miyerkules, Pebrero 18, hinggil sa naging anunsyo ni VP Sara.
“The Makabayan bloc hits Vice President Sara Duterte's announcement that she will run for president in 2028 as a cynical and desperate attempt to control the narrative, portray herself as a victim of political persecution, and shield herself from accountability for serious allegations of corruption, misuse of confidential funds, and betrayal of public trust,” saad ng Makabayan bloc.
MAKI-BALITA: Pagtakbo ni VP Sara sa 2028, hindi para magserbisyo sa mga Pilipino!—Makabayan Bloc-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA