February 18, 2026

Home BALITA National

Gabriela, nag-react sa presidential bid ni VP Sara: 'Sawang-sawa na ang kababaihan sa mga korap!'

Gabriela, nag-react sa presidential bid ni VP Sara: 'Sawang-sawa na ang kababaihan sa mga korap!'
Photo courtesy: Gabriela Women's Party/FB, via Balita


Nagkomento ang Gabriela Women’s Party hinggil sa interes ni Vice President Sara Duterte na tumakbo sa pagkapangulo sa darating na 2028 elections.

Sa isang social media post na ibinahagi nila nitong Miyerkules, Pebrero 18, napatanong ang Gabriela kung tatakbo nga ba bilang Pangulo si VP Sara, o tatakbo lamang ito sa kaniyang mga umano’y pananagutan.

“Tatakbong presidente? Baka tatakbo palayo sa accountability!” saad nila sa kanilang post.

Sa hiwalay naman na pahayag ni House Assistant Minority Leader Rep. Sarah Jane Elago, iginiit niyang pagod na ang mga kababaihan sa mga korap.

“Vice President pa lang siya ngayon pero ang tindi na ng isyu sa kaniya hinggil sa korapsyon sa confidential and intelligence funds, paano pa kaya ‘pag hawak na niya ang kaban ng bayan?” pagtatanong ni Elago.

Aniya, “Sawang-sawa na ang kababaihan sa mga korap. We don’t want another Duterte regime.”

Photo courtesy: Gabriela Women’s Party/FB

Inanunsyo ni VP Sara ang kaniyang planong tumakbo sa pagkapresidente nitong Miyerkules, Pebrero 18, sa ginanap na press briefing ng Office of the Vice President (OVP) sa Mandaluyong City.

“Ako si Sara Duterte, tatakbo bilang Pangulo ng Pilipinas,” saad ni VP Sara.

MAKI-BALITA: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!-Balita

Kung papalaring manalo sa Halalan 2028, si VP Sara ang magiging ikatlong babaeng Pangulo ng bansa, kasunod nina dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino” at Gloria Macapagal-Arroyo.

Vincent Gutierrez/BALITA