Nagbigay ng isang pahayag si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro hinggil sa pag-anunsyo ni Vice President Sara Duterte ng kaniyang kandidatura para sa Halalan 2028.
Ito ay kaugnay sa paghingi ng tawad ni VP Sara dahil sa kaniya umanong pagtulong upang manalo sa halalan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Mga kababayan, humihingi ako ng paumanhin. Patawad kong tinutulungan ko mahalal si BBM bilang Pangulo ng ating bansa. Patawad kung hanggang ngayon ay marami pa ng Pilipino ang nalulunod sa baha nang dahil sa malawakang korapsyon,” saad ni VP Sara sa ikinasang press briefing ng Office of the Vice President (OVP) nitong Miyerkules, Pebrero 18, sa Mandaluyong City.
MAKI-BALITA: Patawad! VP Sara, humingi ng paumanhin sa pagtulong mahalal si PBBM-Balita
Ayon kay Usec. Castro, hindi naman daw alam ng Pangulo na ang kaniyang magiging bise ay puro bakasyon at paninira sa administrasyon.
“Malamang, hindi naman po alam ng Pangulo na ang kaniyang magiging [Bise] Presidente ay puro bakasyon, Bise Presidente na hindi siya tutulungan, Bise Presidente na ang magiging trabaho ay manira sa gobyerno,” ani Usec. Castro sa press briefing ng PCO nito ring Miyerkules, Pebrero 18.
Saad pa niya, wala naman na raw magagawa si PBBM kung hindi magtrabaho para sa taumbayan.
“Hindi naman niya pagsisisihan kung ano’ng nangyari. Ang gagawin lamang po ng Pangulo ay magtrabaho. Kung hindi siya tutulungan ng kaniyang Bise Presidente, wala naman pong magagawa ang ating Pangulo kung hindi magtrabaho na lamang para sa ating bayan,” aniya.
Pagdidiin pa ng press officer, walang nararamdaman ang Palasyo matapos inanunsyo ni VP Sara ang kaniyang kandidatura.
“Depende na po sa tao kung paano nilang susuriin ang mga kandidato. Isipin po nila, ang kandidato at magiging lider ay dapat na makabayan, dapat interes ng bayan ang sinusulong, at maging cautious tayo, maging mapanuri kung isang Manchurian candidate ba ang maiboboto ninyo,” anang press officer.
Sa katunayan, nagpadala pa nga raw ng isang “good luck” si PBBM para kay VP Sara.
"Nadinig niya po at ang sabi niya eh, good luck. Iyon lamang po,” ani Usec. Castro.
MAKI-BALITA: PBBM sa presidential bid ni VP Sara: 'Good luck!'-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA