Sa mainit na pagsalubong ng Filipino-Chinese community sa “Year of the Fire Horse,” dinagsa ang ilang lugar sa bansa, nitong Martes, Pebrero 17, upang panoorin at makiingay sa iba’t ibang kultural at makukulay na pagtatanghal.
Bukod sa masigabong pagsalubong na ito sa bagong taon, nakaukit rin sa pagdiriwang na ito ang mga paniniwala sa pagpasok ng buenas at pagtaboy ng kamalasan.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga ginagawa ng mga Tsinoy tuwing Chinese New Year
Gayunpaman, sa pagbabago ng panahon, pinanghahawakan pa rin ba ng mga Pinoy ang mga paniniwalang ito sa pagdating ng “Year of the Fire Horse?”
Sa pag-ikot ng Balita sa Binondo, Maynila, sa kasagsagan ng Chinese New Year noong Martes, Pebrero 17, nakapanayam rito ang ilan sa mga bisita at tindero/tindera hinggil sa kanilang mga pananaw sa pinaniniwalaang swerteng dala ng “Year of the Fire Horse.”
Una rito ay si Michael Medina na tindero ng mga prutas sa Binondo.
Aniya, ang swerte ay hindi lang nakadepende sa papasok na bagong taon, ngunit nasa sipag, tiyaga, at paniniwala sa Diyos, dahil sa loob daw ng 30 taon niyang pagtitinda ng prutas, sa pagsisipag at panalangin lang daw siya umasenso sa buhay at nakapagpatapos ng dalawang anak niya sa mga kursong Psychology at Teacher.
“Nasa tao din kasi kapag sinuswerte. Hindi naman ‘yong ‘Year of the Fire Horse.’ Nasa tao pa rin ang paniniwala. Kung naniniwala ka doon sa nasa taas, ‘yon the best. Isa lang ang kinakatakutan at pinaniniwalaan ko, ang Diyos. Tulad ngayon, Siya ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob, ngayon may teacher na ko, may psychology [graduate] pa. Ano pa bang hahanapin ko sa buhay? Swerte ako kahit nagtitinda lang ako ng prutas,” saad ni Michael.
Sumunod naman ay si Heter Sorio na simula pa dekada 1990s umuukit ng customized keychains at logo sa iba’t ibang pagdiriwang at events sa bansa.
Aniya, hindi na siya naniniwala sa swerte dahil ang susi sa pag-asenso sa buhay ay sipag at tiyaga.
Ibinahagi rin niya na sa ilang dekadang pag-uukit, nakapagpatapos niya ang anak na flight attend, na kasalukuyan nang pitong taon nasa ibang bansa.
Bagama’t nasa ibang bansa rin ang asawa ni Heter, binanggit niya na patuloy kumikita ang kaniyang negosyo, anumang okasyon o pagdiriwang, at nasaang parte man ng bansa.
Isa pa sa mga nakausap ng Balita, ay si Argen Molleno, na manggagawa sa isa sa snack stalls sa Binondo.
Aniya, bagama’t naniniwala siya sa swerteng dala ng “Year of the Fire Horse,” hindi siya umaasa rito at sa lucky charms dahil mahalaga pa rin na Panginoon ang panghawakan dahil sa paniniwalaang ito raw nanggagaling ang tunay na swerte sa buhay.
“Oo, naniniwala. Pero hindi naman tayo umaasa sa swerte, hindi tayo aasa sa lucky charms. Ano lang talaga, pray, tapos doon tayo maniniwala sa taas, kasi Siya ‘yong magbibigay ng swerte,” ani Argen.
Para naman sa ilan, pag-aalay ng dasal sa Binondo ang kanilang paniniwala para sa mga adhikain at mga plano sa pagpasok ng bagong taon.
Katulad nina Shun at Jam na BPO agents, na taon-taon bumibisita sa Binondo tuwing Chinese New Year at nag-aalay ng dasal sa isang Chinese shrine rito para sa kanilang “long life, prosperity, and future endeavors.”
Gayundin kay Hesidy Bautista na isang government worker, na bagama’t taon-taon bumibisita sa Binondo, ngunit first time mag-alay ng dasal, para sa kaniyang peace of mind at hiling na makapasa sa pagiging industrial engineer ngayong taon, sa kabila ng mga pinagdaanan niyang pagsubok.
Anuman ang paniniwala hinggil sa pag-unlad sa buhay, mapa-dasal man ito o mga pamahiin para mapanatili ang swerte at maitaboy ang kamalasan, mahalagang tandaan na wala pa rin makakatalo sa pagpapagal at pagtulong sa sarili at sa iba.
Dahil ang tunay na swerte at magandang buhay ay nasusukat hindi lamang sa pera o kagamitan, ngunit sa naging magandang dulot sa buhay ng pamilya at ibang tao.
Sean Antonio/BALITA