Muling nangalampag ang mga magulang ni Mary Jane Veloso kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., upang muling humingi ng clemency para sa kanilang anak.
Nitong Lunes, Pebrero 16, 2026, nagsagawa ng kilos-protesta ang ilang tagasuporta ni Veloso kabilang ang kaniyang mga magulang sa harapan ng tanggapan ng Department of Justice (DOJ).
"Nakikiusap po ako mahal na Pangulo... Buong pamilya ni Veloso po nakikiusap, nagmamakaawa na ibigay mo na po ang kalayaan ni Mary Jane," anang ina ni Mary Jane.
Dagdag pa niya, hinihiling din daw nilang mag-asawa na makapiling pa nang mahabang panahon ang kanilang anak, bago sila tuluyang mawala.
"Bigyan n'yo na po ng kalayaan si Mary Jane para maasikaso na niya ang kaniyang mga anak. At gusto ko rin pong makapiling ang anak ko... Bago pa lamang kami mamatay mag-asawa, makapiling naminsiya ng mahabang panahon," dagdag pa ng ina ni Mary Jane.
Aniya,"Nagkakasakit na po kami."
Samantala, sa hiwalay na pahayag ni Atty. Edwin Dela Cruz ng National Union of People's Lawyer (NUPL), iginiit niyang illegal detention ang ginagawa ng DOJ kay Mary Jane.
"Illegal detention, iyan po ang ginagawa ng Department of Justice, hindi sasabihing preventive custody, protective custody, eh walang kaso, ang bait na nga po ng pamilya [ni Mary Jane], clemency ang hinihingi.
Matatandaang noong Disyembre 2024 nang makabalik si Veloso sa Pilipinas, kung saan mananatili siya sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.
Taong 2010 nang arestuhin si Veloso, na ngayon ay 39-anyos, sa Indonesia at sentensiyahan ng parusang kamatayan noong 2015 dahil umano sa pagtatangkang magdala ng 2.6 kilo ng heroin sa Indonesia.
KAUGNAY NA BALITA: Posibleng clemency para kay Veloso, pinag-aaralan na ng legal experts – PBBM