February 16, 2026

Home BALITA National

Malacañang, nanindigang walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas 'sa ngayon'

Malacañang, nanindigang walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas 'sa ngayon'
Photo courtesy: via MB


Binigyang-diin ng Palasyo ang kawalan ng hurisdiksyon sa ngayon ng International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas.

Kaugnay ito sa pagkakadawit nina Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, Sen. Bong Go, at iba pa, bilang “co-perpetrators” sa madugong “War on Drugs” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Pebrero 16, nagbigay ng paglilinaw si Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro hinggil sa nasabing hurisdiksyon.

“Sa ngayon [ay walang jurisdiction ang ICC sa Pilipinas], pero iba po ang pinag-uusapan kung ang mga na-commit na diumanong crime ay naganap noong mayroon pang jurisdiction ang ICC [sa Pilipinas],” saad ni Castro.

Isiniwalat din niyang makikipagtulungan ang gobyerno ng Pilipinas sa Interpol, at hindi sa ICC—gaya sa nangyari noong inaresto si FPRRD.

“‘Yon po ang nangyari before, at ‘yan din po ang mangyayari ngayon,” ani Castro.

Nagbigay din ng mensahe ang press officer hinggil sa mga umano’y nadawit sa mga pangalang inilabas ng ICC.

“Unang-una, kung kayo’y nagtatago, ano ba’ng ibig sabihin niyan, kayo ba’y may kasalanan? Tinatago n’yo para hindi po kayo madinig at ma-escape kayo or ma-evade the liability of what you had done? So, hindi po kinakailangang magtago kung alam po nila na sila ay walang kasalanan—humarap sila at maging matapang sa maaaring proseso,” anang press officer.

Inihayag din niya ang posibleng pagbabantay ng pamahalaan sa mga nasabing dawit, kung sakaling maglabas ng warrants of arrest ang ICC.

“Kapag may warrant of arrest na naisyu na po, kailangang i-implement. So, kung babantayan sila, sa ngayon, wala pa pong dahilan para sila’y bantayan dahil wala pa pong nare-receive ang gobyerno ng warrants of arrest,” aniya.

Samantala, isiniwalat din ni Castro sa parehong press briefing na wala pa umanong nababanggit si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay sa posibilidad na muling pagsali ng Pilipinas sa nasabing korte.

“The President has not talked about that. He has not discussed that matter with all of us,” saad ni Castro.

MAKI-BALITA: PBBM, 'di pa naiisip na muling isali ang Pilipinas sa ICC-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA