February 15, 2026

Home FEATURES

Mister, inaway misis matapos itapon butas-butas, 'bacon' niyang brief

Mister, inaway misis matapos itapon butas-butas, 'bacon' niyang brief
Photo courtesy: Unsplash


Katatapos lamang ng selebrasyon ng Valentine’s Day. Ano sa tingin mo ang pinakamagandang regalong natanggap mo mula sa iyong kasintahan o asawa?

Damit? Sapatos? Pabango? Personal na gamit? O hindi naman kaya ang pagmamahal niya?

Ayon sa isang anonymous netizen na nagbahagi ng kaniyang kuwento sa pahinang “Min Writes,” sinabi niyang binilihan o niregaluhan niya ang kaniyang mister ng bagong mga panloob o brief dahil mukha raw itong galing sa “giyera.”

“BINILHAN KO SI MISTER ng mga bagong brief kasi honestly, yung mga suot niya dati parang galing na sa gyera. Butas-butas na, manipis na, at parang bacon sa tigas… jusko, pwede nang i-prito. Sabi ko sa sarili ko, ‘Bilang mabuting asawa, it’s time’,” saad niya.

Aniya pa, “Pag-uwi niya, proud pa akong inilatag sa kama yung mga bagong brief. Presko, makapal, walang bakat ng nakaraan. Expecting ako ng ‘Salamat, mahal’ o kahit ‘Wow, sosyal.’ Pero alam mo anong nakuha ko? GALIT.”

Kasunod daw ito, dagliang hinanap ng kaniyang mister ang mga lumang brief nito, na siyang tinapon na niya.

“‘Nasaan yung mga luma kong brief?’ tanong niya, seryoso, parang nawawala ang mana ng pamilya. Sabi ko, ‘Tinapon ko na. Basahan na lang sana yun kung pwede.’ Biglang nag-iba ang aura niya. Parang teleserye. Biglang umiyak ang puso niya… para sa mga brief,” aniya.

“‘May sentimental value yun,” sabi niya. Bigay yun ng ex ko,’ dugtong pa niya. TEH. NAPATALON AKO SA GALIT. Hindi pa siya tumigil binuksan niya yung basurahan. HINALUKAY NIYA. ISA-ISA NIYANG KINUHA YUNG MGA BACON NA BRIEF NA PARANG ARKEOLOHIYA NG KAHIHIYAN,” pagpapaliwanag niya.

Dahil daw sa inakto ng kaniyang asawa, napuno na si sender at walang pakundangan niyang inihampas ang mga bagong brief dito.

“Sige! YAN! MGA BAGONG BRIEF! WALANG SENTIMENTAL VALUE! WALANG EX! WALANG BACON! BUWIS!T KA!” saad niya.

Pagpapatuloy pa ni sender, tumahimik daw ang kaniyang mister at nanghingi ng paumanhin sa kaniya.

Pero dahil sa labis na galit, napagdesisyunan niya na lang daw na ibigay ang mga bagong brief sa kaniyang papa—-at hahayaan na ang kaniyang asawa na suotin ang mga butas-butas na brief galing sa ex nito.

Matapos nito, nag-walk out na lamang daw siya dala ang mga bagong brief na ipinamili niya.

Habang isinusulat ang artikulong ito, umabot na sa 6.4k reactions, 313 shares, at 501 comments ang nabanggit na confession ng anonymous sender.

Sa isang hiwalay na confession, naitampok din ang isang istorya na may kaugnayan sa mga brief.

Hango ito sa isang kolehiyala na nakipaghiwalay sa kaniyang jowa dahil umano hindi ito nagpapalit ng panloob. Pagdadahilan kasi nito, sayang lamang daw sa tubig ang regular na paglalaba ng brief.

MAKI-BALITA: Babae, hiniwalayan jowang hindi nagpapalit ng brief dahil sayang daw sa tubig-Balita



Disclaimer:
Bagama’t ang kuwentong ito ay inaako ng may-akda na mula umano sa tunay na pangyayari, hindi maaaring kumpirmahin o itanggi ng Balita ang katotohanan sa mga detalye at impormasyong nakasaad dito.

Vincent Gutierrez/BALITA