February 15, 2026

Home BALITA Internasyonal

26-anyos na champion bodybuilder, patay habang nagwo-workout sa gym!

26-anyos na champion bodybuilder, patay habang nagwo-workout sa gym!
Photo courtesy: Juan Sebastián Anzola Quintero (FB)

Isang 26-anyos na kampeon sa bodybuilding ang nasawi matapos umanong biglang bumagsak habang nasa kalagitnaan ng workout niya sa loob ng isang gym sa Bogotá, Colombia kamakailan.

Ayon sa ulat ng mga international news outlets, kinilala ang biktima na si Juan Sebastián Anzola Quintero, isang Colombian bodybuilder at kilalang fitness content creator. Nagwo-workout daw siya sa isang sangay ng kilalang gym chain sa hilagang-kanlurang bahagi ng Bogotá nang siya ay bigla umanong mawalan ng malay at matumba.

Batay naman sa testimonya ng mga saksi, agad siyang inasikaso ng mga staff ng gym at ng ilang kapwa gym-goers. Gumamit umano sila ng automated external defibrillator (AED) at nagsagawa ng cardiopulmonary resuscitation (CPR) sa loob ng tinatayang 25 minuto sa pagsisikap na maisalba ang kaniyang buhay.

Gayunman, idineklara siyang patay bago pa man maisugod sa ospital.

Internasyonal

10k free condoms, ubos agad sa Winter Olympics!

Sa isang pahayag na inilabas ng Smart Fit, sinabi ng pamunuan na agad nilang ipinatupad ang kanilang emergency protocol habang isinasagawa ang paunang lunas upang maisalba ang buhay ng bodybuilder.

Batay sa mga inisyal na imbestigasyon, hinihinalang inatake sa puso ang atleta habang nasa kalagitnaan ng kaniyang workout. Gayunpaman, nanawagan ang kaniyang pamilya at mga kaibigan na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Si Anzola, na kilala rin sa mga palayaw na “Sebas” at “Juanse,” ay isang competitive bodybuilder na nagwagi ng limang overall titles sa larangan ng bodybuilding at classic physique.

Bukod sa kaniyang karera sa sports, may background din siya sa industrial design at nagtamo ng master’s degree sa physical fitness. Nagnenegosyo rin siya ng pagbebenta at pagpo-promote ng nutritional supplements.

Aktibo si Anzola sa social media kung saan madalas niyang ibinabahagi ang kaniyang mga workout routine at fitness journey. Gayunpaman, napansin ng ilan na tila na-deactivate ang kaniyang Instagram account makaraang kumalat ang balita ng kaniyang pagpanaw.

Isinagawa ang kaniyang burol at libing noong Pebrero 8 sa Jardines del Recuerdo, isang sementeryo sa hilagang bahagi ng Bogotá.

Patuloy namang nagluluksa ang kaniyang pamilya, mga kaibigan, at tagasuporta sa biglaang pagkawala ng isang batang atleta na itinuturing na inspirasyon sa fitness community ng Colombia.