Inaresto ng pulisya ang isang 16-anyos na lalaki na hinihinalang kabilang sa tatlong suspek sa naganap na robbery-slay ng isang 20-anyos na working student sa bayan ng Rodriguez, Rizal.
Ayon sa Rizal Police Provincial Office (PPO), nadakip ang menor de edad Biyernes ng gabi, Pebrero 13, sa Phase 1K, Kasiglahan Village, Barangay San Jose—ang parehong lugar kung saan naganap ang krimen—matapos maaktuhan ng mga pulis na may dalang baril habang nagsasagawa ng surveillance at follow-up operations.
Narekober sa kaniya ang isang kalibre .45 Colt pistol na may kargang mga bala at magasin ng baril.
Sa karagdagang beripikasyon, natuklasan ng mga awtoridad na sangkot umano ang naarestong binatilyo sa naunang attempted robbery with homicide noong Pebrero 8 na ikinamatay ng biktimang si “Jade.”
Batay sa imbestigasyon, bandang 1:30 ng madaling araw ay nilapitan ng menor de edad at dalawa pang hindi nakikilalang kasabwat si Jade at ang kaniyang babaeng katrabaho habang naglalakad ang mga ito sa lugar matapos pababain umano sa tricycle na sinakyan pauwi sa bahay ng babae.
Una umanong nanghiram ng flashlight ang mga suspek, ngunit maya-maya ay hinablot ng isa ang bag ng babae. Nabawi ito ni Jade at agad silang tumakbo upang makatakas, subalit kalaunan ay napag-alamang nasaksak siya ng isa sa mga suspek.
Isinugod ang biktima sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
KAUGNAY NA BALITA: Graduating student, patay matapos saksakin ng ice pick ng snatcher!
Ayon sa Rizal PPO, dinala ang naarestong menor de edad sa Municipal Social Welfare and Development Office para sa wastong disposisyon alinsunod sa mga batas para sa children in conflict with the law. Inihahanda na rin ang mga kaukulang kaso laban sa kaniya.
Patuloy naman ang follow-up operations ng pulisya upang matunton ang iba pang sangkot sa pagpatay kay Jade.