February 14, 2026

Home FEATURES Human-Interest

Inakalang masakit lang tiyan: 21-anyos na backpacker nanganak, 'di alam na buntis siya!

Inakalang masakit lang tiyan: 21-anyos na backpacker nanganak, 'di alam na buntis siya!
Photo courtesy: Hattie Sheppard (FB)

Hindi inakala ng isang 21 taong gulang na British backpacker na ang inirereklamong simpleng pananakit ng tiyan, na inakalang appendicitis, ay magdadala na pala sa kaniya ng pagkakataong maging isang ina.

Batay sa ulat ng New York Post at iba pang international news outlet, ilang buwan nang naglilibot bilang backpacker si Hattie Sheppard sa silangang bahagi ng Australia kasama ang nobyong si Bailey Cheadle, 22-anyos naman.

Noong Hulyo 2025, nakaramdam umano si Sheppard ng pananakit ng tiyan na inakala niyang dulot lamang ng karaniwang sakit sa sikmura.

Uminom siya ng paracetamol ngunit sa halip na gumaan ang pakiramdam, lalo pang tumindi ang kirot, partikular sa kanang bahagi ng kaniyang tiyan. Dahil sa hinalang appendicitis, nagpasya siyang magtungo sa ospital sa Queensland.

Human-Interest

ALAMIN: Mga pamahiin para hindi maging ‘single’

Sa isinagawang ultrasound, doon nalaman ang hindi niya inaasahan: na manganganak na pala siya!

Ayon kay Sheppard, kapansin-pansin ang pagkalito sa mukha ng doktor habang tinitingnan ang resulta ng pagsusuri. Nang sabihin sa kaniyang may sanggol sa sinapupunan niya at manganganak na siya, hindi niya ito agad pinaniwalaan dahil gumagamit siya ng contraceptive pill.

Gayunman, kinumpirma ng doktor na nagsisimula na ang labor niya.

Inamin niyang iyon ang isa sa pinakanakakatakot na sandali ng kaniyang buhay. Makalipas lamang ang sampung oras, isinilang niya ang isang sanggol na babae na may timbang na humigit-kumulang 6.4 pounds, na pinangalanan nilang Isla-Grace Cheadle.

Wala umanong anumang palatandaan ng pagbubuntis si Sheppard. Payat siya at walang kapansin-pansing paglaki ng tiyan o paggalaw ng sanggol. Kalaunan, natukoy na ang inunan ay nasa harapang bahagi ng kaniyang tiyan kaya hindi niya naramdaman ang paggalaw ng bata.

Bukod pa rito, nakapuwesto raw kasi ang sanggol sa likod niya, malapit sa gulugod, dahilan upang hindi magkaroon ng malinaw na “baby bump.”

Bagama’t tila pambihira ang ganitong sitwasyon, may mga ganitong kaso na tinatawag daw na “cryptic pregnancy,” kung saan natutuklasan lamang ang pagkakaroon ng sanggol sa sinapupunan sa huling bahagi ng pagbubuntis, o minsan ay sa mismong oras ng panganganak.

Bukod sa cryptic pregnancy, napag-alaman daw na may Graves’ disease si Sheppard, isang kondisyon sa thyroid na maaaring magdulot ng pagbaba ng timbang at iba pang sintomas.

Dahil dito, inakala niyang ang bahagyang pagdagdag niya ng timbang ay resulta lamang ng kaniyang pag-eehersisyo at pag-aayos ng diet, pati na rin ng pagbabago sa kaniyang gamot.

Habang hindi niya alam na siya ay buntis, patuloy ang kaniyang aktibong pamumuhay. Ilang buwan bago manganak, sumubok pa siya ng isang high-speed slingshot ride sa Surfers Paradise.

Ipinagdiwang din niya ang 21st birthday sa isang bangkang nirentahan nila ng jowa niya, kung saan, lumangoy pa sila sa dagat. Dalawang linggo bago manganak, sinalubong pa nila ang Bagong Taon sa tabing-dagat.

Sa mga larawang kuha noong Disyembre 31 na naka-upload sa social media account ni Sheppard, walang indikasyong siya ay buntis.

Sa kasalukuyan, naghahanda na raw ang mag-partner na bumalik sa kanilang bayan sa Doncaster sa United Kingdom, dala ang isang hindi inaasahang biyaya mula sa kanilang paglalakbay.

Samantala, makikita naman ang Facebook post ni Sheppard tungkol dito noong Enero 18.

Surprise of a Lifetime

On Wednesday 14th January 2026 at 12:47pm, our world changed in the most unexpected way.

We went to hospital thinking it was appendicitis… and came home with a baby!

"Meet our beautiful baby girl, Isla Grace Cheadle, weighing 6lb 7oz," aniya.

"We had no idea we were expecting you and definitely didn’t plan on having a baby on the other side of the world in Australia, but it turns out you had your own plans and the best surprise doesn’t even begin to cover it."

"From complete shock to overwhelming love in a matter of moments, you have already rewritten our story in the most incredible way," mababasa pa sa post.

"Welcome to the world Isla Grace. You were the surprise we never knew we needed and we couldn’t love you more if we tried," aniya pa.

Photo courtesy: Screenshot from Hattie Sheppard/FB

Kahit ganito ang kakaibang nangyari at hindi nila inaasahan ang pagkakaroon ng anak, sinabi ni Sheppard na masaya siya sa biyayang ipinagkaloob sa kanila.