February 13, 2026

Home BALITA National

'Unahin niya ang sarili niya!' Usec. Castro, binuweltahan VP Sara sa umano'y 'impeachable offenses' ni PBBM

'Unahin niya ang sarili niya!' Usec. Castro, binuweltahan VP Sara sa umano'y 'impeachable offenses' ni PBBM
Photo courtesy: RTVM/YT, MB


Binanatan ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang mga naging pahayag ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa umano’y nagawang “impeachable offenses” ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa pakikipanayam ni VP Sara sa News5, inisa-isa niya ang mga naturang offenses ng Pangulo.

“Pinakauna na impeachable offense [ay] ‘yong pagpirma ng budget na alam mong galing siya sa bill na may mga blangko, at mayroong mga insertions. Impeachable offense din ‘yong humihindi ang isang opisyal kapag mayroong nagtatanong ng competency niya na mamuno, at may nagsasabi na gumagamit siya ng ilegal na droga,” saad ni VP Sara.

Samantala, ayon naman kay Usec. Castro, dapat na unahin ng bise presidente ang kaniyang sarili, bago nito tingnan ang iba.

“Unahin niya na po muna ‘yong mga kaso niya, bago niya tingnan ang kaso ng iba,” buwelta ni Castro sa isinagawang press briefing ng PCO nitong Biyernes, Pebrero 13.

Sinagot din ng press officer ang alegasyong gumagamit umano si PBBM ng ilegal na droga, na ayon kay VP Sara, ay isa ring impeachable offense.

“Unahin niya po ‘yong sarili niya. At siguro, mas maganda, itanong niya ‘yan sa kaniyang ama,” anang press officer.

Matatandaang ibinasura ng House Committe on Justice kamakailan ang dalawang impeachment complaints na inihain laban kay PBBM, matapos nilang ideklara ang mga ito bilang “insufficient in substance.”

MAKI-BALITA: 'Insufficient in substance!' Impeachment complaints kay PBBM, dedo sa Kamara-Balita

Samantala, naisumite na rin kamakailan sa Office of the House Speaker ang impeachment complaints na inihain laban kay VP Sara, base sa kumpirmasyon ni House Secretary General Cheloy Garafil.

MAKI-BALITA: Uusad kaya? Impeachment complaints kay VP Sara, isinumite nasa Office of the House Speaker-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA