Ayon sa Malacañang, tumangging magkomento si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay sa makahulugang biro ni Megastar Sharon Cuneta, sa tila pagkakamali umano ng Pangulo sa pagpili ng kaniyang runningmate noong 2022 elections.
“Sir, I have only one vice president…My date tonight [Sen. Kiko Pangilinan]. Mali your choice, ‘no?” tukso ni Sharon kay PBBM sa “Evening with the Stars” noong Huwebes ng gabi, Pebrero 12.
Sa isinagawa namang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Biyernes, Pebrero 13, sinabi ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na iyon ay pawang opinyon ni Sharon.
“Kung ‘yon po ang opinyon ni Ate Shawie, ni Miss Sharon Cuneta…at malamang, karamihan sa ating mga kababayan ay ‘yan din po ang nararamdaman,” saad ni Castro.
Giit pa niya, “So, opinyon po ‘yon ni Miss Sharon Cuneta at nakita po natin na napangiti lamang ang ating Pangulo.”
Nang matanong kung may pag-agree o disagree si PBBM hinggil sa biro, nilinaw ng press officer na nagandahan lang umano ang Pangulo sa kanta ni megastar.
“Wala po, nagandahan lamang po siya sa awiting ‘Bituing Walang Ningning’,” anang press officer.
Matatandaang ang runningmate ni PBBM noong 2022 elections ay ang ngayo'y bise presidente na si Sara Duterte.
Vincent Gutierrez/BALITA