Pinatay at saka kinain ng ilang residente ang hinihinala nilang King Cobra na sumiksik sa isang pick-up truck sa Lasam, Cagayan.
Ayon sa mga ulat, binabaybay ng pick-up truck ang isang kalsada nang magulungan nila ang nasabing ahas. Nang tingnan nila ito ay bigla na lang daw itong nawala.
Doon na raw naghinala ang sakay ng pick-up truck kaya’t agad siyang huminto upang silipin kung sumabit sa kaniyang sasakyan ang ahas.
Bunsod umano ng takot, pinagtulungan ng ilang residente na higitin mula sa ilalim ng sasakyan ang naturang ahas.
Subalit matapos ng pagtanggal nila sa sasasakyan ay doon na nila ito sinalubong ng paghataw ng kahoy, pagpukpok ng bato at saka kinuryente.
Nang makumpirma nilang patay na ang ahas, ay niluto na umano ito ng mga residente at saka kinain.
Kinondena na ng Provincial Environment and Natural Resources ang sinapit ng ahas. Nagpadala na rin ito ng mga tauhan upang magpakalat ng tamang impormasyon sa mga residente kung sakaling muli raw maka-engkwentro ang mga King Cobra.
Samantala, wala namang napaulat na nalason sa pagkain nila ng nasabing ahas.