Ibinasura ng International Criminal Court (ICC) ang petisyon ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos siyang ideklarang “fit to take part in pre-trial proceedings” para sa pagdinig ng confirmation of charges kaugnay ng kasong crimes against humanity.
Sa desisyong inilabas ng ICC Pre-Trial Chamber I na may petsang Pebrero 13, pinagtibay nila ang naunang desisyon na may kakayahan si Duterte na unawain ang kasong isinampa sa kaniya at gamitin ang procedural rights nito.
Nangatwiran pa ang abogado ni Duterte na si Atty. Nicholas Kaufman na bumatay lang umano ang Chamber sa inilatag na ulat ng independent panel na binubuo ng tatlong medical experts at binalewala ang mga report na isinumite mismo ng kanilang kampo.
Ngunit depensa ng Chamber, “The Chamber's reason not to rely on the Defence's medical reports was to ensure that only information emanating from impartial and neutral sources was taken into consideration in order to ultimately ensure the fairness of the proceedings.”
Iginiit din ng korte na sinuri ng independent experts ang ipinasa ng kampo ni Duterte bago sila tumalon sa konklusyon kaugnay sa desisyon ng pagharap ng nasasakdal sa confirmation of charges.
Nakatakdang itong ganapin sa Pebrero 26, 2026, limang buwan makalipas ang orihinal na schedule noong Setyembre 2025.
Kaugnay na Balita: VP Sara, tinawag na ‘biased political court’ ang ICC