Aabot sa 11,000 mga pulis ang ide-deploy ng Philippine National Police (PNP) para sa gaganaping ikatlong “Trillion Peso March” sa darating na Pebrero 25.
Sa press briefing na isinagawa ng ahensya nitong Biyernes, Pebrero 13, siniguro ni PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño na handa ang kanilang hanay para sa gaganaping kilos-protesta kontra katiwalian at korapsyon.
“Ito ay kaugnay sa gaganapin na Trillion Peso March. Nais po nating banggitin na handa po ang PNP upang tiyakin ang mapayapa at maayos na pagdaraos ng anumang aktibidad sa February 25,” saad ni Tuaño.
Aniya, “Nagkasa po ang PNP ng mahigit na 11,000 kung saan sila po ay ide-deploy.”
Kamakailan, nag-isyu ang Quezon City Government ng isang memorandum sa Quezon City Police District (QCPD) na nagtutukoy sa limang organisasyon na inaasahang dadalo sa nasabing kilos-protesta.
“Magsasagawa sila ng tinatawag na prayer and indignation rally. Ito po ay gagawin ng dalawang araw. Ang unang araw po ay [sa] February 22, araw ng Linggo, at February 25, araw po ng Wednesday,” ani Tuaño.
“Ito po ay gagawin sa EDSA Shrine at People Power Monument—at inaasahan po natin na aabot po ng mahigit 50,000 ang nasabing magtitipon sa nasabing 40-year celebration of EDSA People Power Revolution,” dagdag pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: PNP, naghahanda na para sa ikatlong 'Trillion Peso March' sa Pebrero 25-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA