Patay ang isang sundalo matapos barilin ng kaniyang kapwa sundalo sa loob ng kampo sa Jamindan, Capiz.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Private First-Class Wencel Jay Puntuan, tubong Libungan, Cotabato, habang ang suspek ay si Private First-Class Rosarjoe Manajero ng Lambunao, Iloilo.
Ayon sa ulat, bago ang insidente ay nag-inuman umano ang dalawa. Matapos nito, inihatid pa ng biktima ang suspek sa barracks dahil hirap na itong maglakad sanhi ng kalasingan.
Naganap ang pamamaril sa loob mismo ng Camp General Macario Peralta, Jr.
“Noong una, naglalakad ang suspek papunta sa kaniyang barracks, tapos nakita ng victim na parang hindi kaya ng suspek na maglakad dahil sa kalasingan, nag-decide siya na sundan at samahan (ang suspek) para mahatid sa barracks at makapagpahinga na. Then noong nandoon na ang dalawa sa loob ng kanyang barracks, bigla na lang nakarinig (ang kanilang mga kasamahan) ng sunod-sunod na putok ng baril,” ayon kay Police Captain Jaypee Silvestre, hepe ng Jamindan Municipal Police Station sa panayam ng media.
Isinugod sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa tama ng bala sa ulo mula sa 5.56 mm na kalibre ng baril.
Agad namang inaresto ng kanilang mga kasamahan ang suspek.
“Hindi naman raw narinig during sa kanilang inuman na may pagtatalo or discussion. Wala rin silang alam kung mayroon bang past grudges kasi parang mabuti naman ang kanilang pag-uusap,” dagdag pa ni Silvestre.
Kapwa nakatalaga ang dalawa sa Operation Control Unit ng 3rd Infantry Division ng Philippine Army.
Naglabas din ng pahayag ang militar kaugnay ng insidente.
"We do not tolerate this such actions. Makikipagtulungan (kami) sa PNP sa investigation para mabigyan ng hustisya ang ating tropa na namatay at ma-held accountable kung anuman ang ginawa ng tropa laban sa kaniyang kasamang suldalo,” ayon kay Captain Jessie Jun Ebalan, spokesperson ng 3rd ID ng Philippine Army.
Magsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang Philippine Army lalo na sa napaulat na inuman sa loob ng kampo na ipinagbabawal.
Bukod sa kasong kriminal, haharap din ang suspek sa kasong administratibo na maaaring humantong sa kaniyang pagkakatanggal sa serbisyo.