February 12, 2026

Home BALITA

Nasa 1,000 tauhan ng BFP, sangkot sa ilegal na bentahan ng fire extinguisher!

Nasa 1,000 tauhan ng BFP, sangkot sa ilegal na bentahan ng fire extinguisher!
Photo courtesy: via MANILA BULLETIN

Inirekomendang  palitan si Bureau of Fire Protection (BFP) chief Fire Director Jesus Fernandez at iba pang opisyal ng ahensiya at nakatakda ring sampahan ng kaso kaugnay ng umano’y iregularidad at anomalya sa bentahan ng fire extinguisher, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla nitong Huwebes, Pebrero 12, 2026.

Sa isang press conference, sinabi ni Remulla na sinisimulan na ang proseso ng pagpapalit sa pinuno ng BFP.

“I will be filing charges against the chief of the BFP, si Jesus Fernandez, also to his deputies, also to the Bids and Awards Committee," ani Remulla.

Dagdag pa niya: "I will recommend for his replacement. Si [President Ferdinand Marcos Jr.] ang siyang appointing authority, hindi ako. Yes, nahiling ko na."

Sundalo, patay sa pamamaril ng kainumang kabaro sa loob ng kampo

Ang BFP ay ahensiyang nasa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na pinamumunuan ni Remulla.

Ayon sa kalihim, tinatayang nasa 1,000 tauhan ng BFP sa buong bansa, kabilang ang humigit-kumulang 40 kasalukuyan at dating opisyal, ang haharap sa kaso kaugnay ng bid-rigging at graft sa procurement ng fire extinguishers at fire trucks.

"[The fire extinguisher scheme] is a ₱15-billion-a-year racket ng BFP. Kawawa naman ang mga negosyante natin. Kinukuha ito sa bulsa ng mga negosyante. Kaya ito, kailangan matigil na," pahayag ni Remulla.

Ibinunyag din ng kalihim na inalok umano siya ng suhol na ₱1.5 milyon kada fire truck.

"Ang in-offer sa akin was ₱1.5 million per truck. Ang binibili niyan is parang 100 plus to 200 trucks a year. So that's ₱300 million easy for 2025 kung tinanggap ko yun," aniya.

"May birthday party sa Cavite, pumunta yung Fire Chief natin. Naiwan yung assistant niya. Kinausap yung kanang kamay ko tapos doon ginawa yung suhol. 'Paki sabi kay Sec. may ₱1.5 million siya dito,'" dagdag pa niya.

Sinabi rin ni Remulla na may tatlo na siyang tinitingnang posibleng ipalit kay Fernandez bilang susunod na BFP chief.