February 12, 2026

Home BALITA

Nanghiram ng ₱50k? BI, nagbabala sa mga nagpapanggap bilang si Comm. Viado

Nanghiram ng ₱50k? BI, nagbabala sa mga nagpapanggap bilang si Comm. Viado
Photo courtesy: BI


Nagpaalala ang Bureau of Immigration (BI) sa lahat ng mga kawani nito, pati na rin sa publiko hinggil sa umano’y naglipanang “scammer” na ginagamit ang pangalan ni BI Commissioner Joel Anthony Viado upang makakulimbat ng pera.

Ayon sa ulat ng ahensya, nakatanggap sila ng impormasyon patungkol sa isang “attempted money transfer” na layong biktimahin ang ilang immigration regional office heads.

Noong Martes, Pebrero 10, nakatanggap sila ng isang mensahe mula sa isang BI provincial head, kung saan kinontak umano siya ng isang high-ranking government official—na nag-utos sa kaniya na gumamit ng isang messaging platform.

Makalipas ang ilang minuto, nakatanggap muli siya ng isang mensahe na naglalaman ng mga detalye ni Commissioner Viado.

Inutusan umano siya nito na magpadala ng ₱50,000 sa isang digital bank account na ayon sa pekeng komisyoner ay isang “foundation.”

Probinsya

Operator ng MV Trisha Kerstin 3, sasampahan ng mga kasong administratibo; 14 personnel, sinibak!



Pagdadahilan nito, isa raw “pledge” ang nalimutan niyang ipadala sa foundation, at nangako siyang ibabalik ang pera matapos ang isang pagpupulong kasama ang Secretary of Justice.

Matapos nito, napag-alaman ding scammer ang kumokontak sa provincial head.

Ayon mismo kay Viado, scam ang kumontak sa provincial head at tiyak na hindi siya ang kausap nito.

“The Bureau of Immigration will never solicit or instruct any employee to transfer personal funds for donations, pledges, or any activity through private messaging applications. This is clearly a scam using my name,” saad ni Viado.

Paalala ng ahensya, maging alerto at mapanuri sa mga ganitong uri ng manloloko.

“Let this serve as a warning. Always verify. Do not be pressured by urgency, rank, or name-dropping. When in doubt, confirm through official channels,” aniya pa.

Iniulat na rin ito ng BI sa mga awtoridad para sa mas malalim na pagsusuri at imbestigasyon.

Pinag-aaralan na rin kung ano ang mga posibleng isampang kaso laban sa mga nasa likod ng nasabing scam.

Vincent Gutierrez/BALITA