Naniniwala si Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Atty. Leila de Lima na ang pagkilala ng Korte Suprema sa “same-sex couples” ay isang hakbang tungo sa totoong pagkakapantay-pantay.
Kaugnay ito sa pasya ng Supreme Court (SC) na ganap nang kilalanin bilang magkatuwang na may-ari ng ari-arian o “co-owners of property” ang magkasintahang maituturing na “same-sex couples—na nakabase sa Artikulo 148 ng “Family Code.”
“Ang Artikulo 148 ng Family Code ang nagtatakda ng mga patakaran sa pagmamay-ari ng ari-arian ng mga magkaparehang nagsasama ngunit hindi maaaring magpakasal ayon sa batas, at kinikilala nito ang pagiging magkatuwang na may-ari batay sa aktuwal na ambag ng bawat isa,” anang Korte Suprema.
MAKI-BALITA: Korte Suprema, kinilala 'Property Rights' ng same-sex relationships-Balita
Saad pa ni De Lima, umaasa siyang magiging simula rin ito upang maipasa ang ilan pang mga panukala na may kinalaman sa karapatan ng nasabing grupo o komunidad.
“This is a step toward genuine equality,” ani De Lima sa kaniyang social media post noong Miyerkules, Pebrero 11.
“We hope to continue carrying this momentum in Congress by enacting our proposed House Bill No. 7068 or the ‘Right to Care Act’ and HB 7069 or the ‘SOGIESC Equality Act’ to guarantee equal protection for all Filipinos and promote inclusivity for individuals of diverse sexual orientations, gender identities and expressions, and sex characteristics,” aniya.
“As stated by Associate Justice Amy Lazaro-Javier in her concurring opinion on this landmark case, a law is still needed to grant same-sex couples the ‘exact same bundle of rights accorded to heterosexual relationships.’,” pagpapaliwanag pa niya.
Panawagan ngayon ng mambabatas, ipasa na rin daw ang mga nabanggit na panukala para sa karapatan at tunay na pagkilala.
“Para sa tunay na pagkilala at paggalang sa karapatan ng bawat isa, para sa pagkakapantay-pantay: HB 7068 at HB 7069, isabatas!” anang mambabatas.
Vincent Gutierrez/BALITA