Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang dayuhan na umano’y matagal nang nagpapanggap bilang Pilipino sa magkahiwalay na operasyon.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony M. Viado noong Miyerkules, Pebrero 11, 2026, nadakip ng Intelligence Division ng ahensiya ang mga Chinese national na sina Jucan Hong at Qingzhuang Ke.
Naaresto si Hong sa Legazpi City, habang nasakote naman si Ke sa Tagum City.
“Citizenship is not a costume that foreigners can wear when it is convenient,” pahayag ni Viado.
Babala pa niya, “Those who falsely claim to be Filipinos to gain privileges, evade the law, or manipulate our systems will be arrested, prosecuted, and deported.”
Batay sa ulat ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr., matagal umanong nagpapakilalang Pilipino si Hong upang makakuha ng mga government-issued identification, kabilang ang driver’s license na nagsasabing siya ay mamamayang Pilipino, at upang makapagnegosyo.
Samantala, gumagamit naman umano si Ke ng pekeng pagkakakilanlan bilang “Jimmy Reyes.”
Ayon sa BI, natuklasan ng mga imbestigador na nakakuha si Ke ng delayed registration ng birth certificate sa ilalim ng kathang-isip na pangalang Pilipino, na ginamit niya upang kumuha ng iba’t ibang Philippine IDs, magbukas ng bank accounts, magparehistro ng mga sasakyan, at magpatakbo ng warehouse business na kunwari ay pagmamay-ari ng isang Pilipino.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng BI ang dalawang dayuhan habang inihahanda ang kanilang deportation proceedings.