Isa ang celebrity at TV host na si Willie Revillame sa mga umano’y registered bidders ng luxury cars ng kontrobersyal na kontratistang sina Sarah Discaya at Curlee Discaya.
Sa isinagawang auction ng Bureau of Customs (BOC) nitong Miyerkules, Pebrero 11, walo sa sampung nakatakdang i-auction na mga sasakyan ang pagmamay-ari ng mga Discaya.
Ang mga sasakyang nagmula sa naturang kontratista ay ang mga sumusunod: Lincoln Navigator (2024), GMC Yukon Denali (2022), Cadillac Escalade (2021), Maserati Levante Modena (2022), GMC Yukon XL Denali (2022), Cadillac Escalade ESV (2022), Rolls-Royce Cullinan (2023), Bentley Bentayga (2022).
Samantala, dalawa namang units ng Buggari Chiron na hindi pagmamay-ari ng dalawa ay kasama rin sa nasabing auction—na pinangungunahan ng BOC.
Ayon sa ahensya, ang malilikom sa nasabing auction ay gagamitin para sa mga pampamahalaang programang makatutulong sa sambayanan.
Samantala, hindi naman dinaluhan ni Revillame ang auction, ngunit siya ay kinatawanan ng nagngangalang Christian James Ronquillo Lina.
Liban sa TV host, registered bidders din sina Pio Velasco mula sa Igorot Stone Kingdom Inc. at ang R33 Car Exchange Corp.
Sa sampung sasakyan, tanging ang Rolls-Royce Cullinan (2023) lamang ang nakuha sa bidding—na napanalunan ng Igorot Stone Kingdom Inc. sa halagang ₱29,026,000.00.
Vincent Gutierrez/BALITA