Tila may pahaging ang Malacañang hinggil sa umano’y mga dismayado sa pagkakabasura ng dalawang impeachment complaints na inihain laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kamakailan.
Sa press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Miyerkules, Pebrero 11, sinabi ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na ang Palasyo ay nanghihingi ng pasensya sa mga umano’y dismayado—dahil lumabas na ang katotohanan.
“Sorry na lang po kasi lumabas po ang katotohanan,” saad ni Castro.
Giit pa niya, dapat daw na makita muna ng mga ito ang laman ng complaint.
“So doon sa mga nadismaya, siguro dapat makita po talaga nila kung ano ba ‘yong nilalaman ng complaint; at hindi po talaga puwede kasing gamitin ang mga ganitong klaseng forum para sa isang phishing expedition,” aniya.
Pagdiin pa ng press officer, hindi lamang majority ng Kamara ang nagsabing mababasura ang impeachment complaint laban kay PBBM, kung hindi pati mga eksperto na may kaalaman hinggil sa isyu.
“Makikita naman po nila, hindi lamang po ang 284 na members ng House of Representatives ang nagbasura ng impeachment complaints na isinampa laban kay Pangulong Marcos Jr, kung hindi ‘yong ibang mga eksperto pa, mga legal experts, constitutionalists na nagsasabing walang basehan ang isinampang impeachment complaints laban sa ating Pangulo” anang press officer.
Matatandaang kamakailan, pormal na ibinasura ng House Committee on Justice ang dalawang impeachment complaint na inihain laban sa Pangulo matapos makakuha ng sapat na boto para ideklara itong “insufficient in substance.”
MAKI-BALITA: 'Insufficient in substance!' Impeachment complaints kay PBBM, dedo sa Kamara
Vincent Gutierrez/BALITA