Nagbabala ang Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na posibleng lalo pang lumala ang kakulangan sa silid-aralan sa bansa dahil tinatayang aabot sa humigit-kumulang 51,000 pampublikong gusali ng paaralan ang lalagpas sa itinakdang haba ng paggamit o “design life” pagsapit ng 2028.
Sa inilabas na sinabi ng EDCOM II na maaaring humarap ang Department of Education (DepEd) sa malaking “replacement challenge” kung hindi agad maipatutupad ang isang pangmatagalan at sustenableng plano sa imprastraktura ng paaralan upang tugunan ang tumatandang mga gusali at patuloy na siksikan sa mga silid-aralan.
Ayon sa komisyon, lumalalim ang krisis sa imprastraktura ng pampublikong edukasyon sa bansa dahil libo-libong classroom ang inaasahang ideklarang delikado sa loob ng susunod na tatlong taon. Dagdag pa ito sa kasalukuyang kakulangan na tinatayang nasa 165,443 silid-aralan.
Batay sa Final Report ng komisyon na pinamagatang “Turning Point: A Decade of Necessary Reform (2026–2035),” lumalaki ang backlog hindi lamang dahil sa dami ng mag-aaral kundi pati sa mabilis na pagtanda at pagkasira ng mga umiiral na gusali ng paaralan sa buong bansa.
Ipinaliwanag ng EDCOM II na sa ilalim ng DepEd Order No. 6, s. 2021, ang karaniwang pampublikong silid-aralan ay may inaasahang haba ng paggamit na 25 taon. Gayunman, sa tinatayang 329,716 school buildings sa buong bansa, may 122,518 na ang lumampas sa itinakdang design life.
Sa bilang na ito, may 51,222 classroom ang inaasahang aabot sa 50 taong gulang pagsapit ng 2028 at posibleng ideklarang condemned dahil sa panganib sa istruktura, pagkasira sa paglipas ng panahon, at exposure sa lindol at bagyo. Inilarawan ito ng komisyon bilang nakaambang “replacement challenge” na maaaring magpalaki pa sa kakulangan ng classroom.
Sinabi rin ng EDCOM II na ang kasalukuyang tantiya na 165,000 kakulangan sa silid-aralan ay hindi pa kabilang ang pinsalang dulot ng mga nagdaang kalamidad, na lalo pang nagpapahirap sa kapasidad ng mga pampublikong paaralan.
Ayon sa komisyon, ang pagresolba sa problema ay “take more than one year” at “more than one administration,” at maaaring mangailangan ng anim hanggang sampung taon ng tuloy-tuloy na mataas na pondo upang maisara ang infrastructure gap.
Upang matugunan ang pangangailangan, pinag-aaralan ang iba’t ibang paraan ng konstruksyon bukod sa tradisyunal na procurement ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kabilang ang mas malaking partisipasyon ng mga Local Government Unit (LGU) at Public-Private Partnerships (PPP).
Iginiit din ng komisyon ang kahalagahan ng transparency at efficiency sa pagpapatayo ng mga paaralan, at binigyang-diin na dapat maitayo ang mga classroom “at the right price, through the right process, and at the right time.”
Samantala, sinabi ng EDCOM II na nagsimula na ang DepEd ng mas pinalawak na estratehiya upang mapabilis ang pagtatayo ng silid-aralan.
Target ng ahensya ang pagsisimula ng konstruksyon ng 26,000 classroom sa 2026 at inilunsad ang Project Bukas portal para sa transparency ng PPP School Infrastructure Project (PSIP) 3 na naglalayong makapagtayo ng higit 16,000 silid-aralan.