February 11, 2026

Home BALITA

Ilang solon, nais paimbestigahan kaugnayan ng ‘Pinas kay Jeffrey Epstein

Ilang solon, nais paimbestigahan kaugnayan ng ‘Pinas kay Jeffrey Epstein
Photo courtesy: via AP News

Nanawagan ang ilang mambabatas ng minorya sa Kamara na imbestigahan ang umano’y operasyon at koneksiyon sa Pilipinas ng financier at convicted sex offender na si Jeffrey Epstein.

Pinangunahan nina Gabriela Rep. Sarah Elago, kasama ang mga kapwa Makabayan bloc members na sina Kabataan Rep. Renee Louise Co at ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, ang paghahain ng House Resolution No. 762 na humihiling sa Committees on Public Information at Women and Gender Equality na magsagawa ng imbestigasyon.

Batay sa resolusyon, may mga ulat na ang ilang e-mail exchange sa tinaguriang “Epstein Files” ay nagpapakita na umano’y kumuha si Epstein ng team na nakabase sa Pilipinas upang linisin ang kanyang online image matapos ang kanyang pagkakahatol.

“The potential use of Filipino employees and digital infrastructures that could mask sexual exploitation of women and children underscores the need for legislative scrutiny and policy review,” ayon sa nakasaad sa resolusyon.

'Expected po 'yan!' Malacañang, nag-react sa paglagpak ng Pinas sa Corruption Perceptions Index 2025

Iginiit din ng Makabayan bloc na mahalagang matukoy ang lawak ng umano’y network ni Epstein sa bansa, makilala ang mga lokal na indibidwal o service providers na posibleng sangkot, at masuri kung sapat ang kasalukuyang mga batas upang maprotektahan ang kababaihan at kabataan laban sa online sexual abuse.

Layunin din ng panukala na makapagrekomenda ng mga hakbang na lehislatibo upang mapalakas ang proteksiyon laban sa sexual exploitation, human trafficking at iba pang kaugnay na krimen, kabilang ang mga nagaganap sa digital platforms.

Nauna nang inilabas ng United States Department of Justice ang mga internal record na may kaugnayan sa aktibidad ni Epstein, ayon sa mga ulat.

Ipinakita sa mga dokumento na si Epstein — na namatay noong 2019 habang nakadetine at naghihintay ng paglilitis sa kasong federal sex trafficking — ay nagkaroon ng ugnayan sa ilang kilalang personalidad sa politika, pananalapi, akademya at negosyo bago at matapos ang kanyang 2008 conviction. 

Gayunman, nilinaw ng departamento na ang pagbanggit ng pangalan ng isang tao sa mga record ay hindi nangangahulugang may nagawang paglabag.

Samantala, sinabi rin ni Sen. Loren Legarda na plano niyang maghain ng resolusyon sa Senado upang magsagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon kaugnay ng umano’y “Epstein footprint” sa Pilipinas.