February 11, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Paano mapaninindigan ang pagiging 'alone but not lonely?'

ALAMIN: Paano mapaninindigan ang pagiging 'alone but not lonely?'
Photo courtesy: Unsplash


Ngayong papalapit na ang selebrasyon ng Valentine’s Day, isa sa mga pinaghahandaan ng bawat isa ay kung ano ang kanilang ibibigay sa kani-kanilang kasintahan—mapa-chocolate man ‘yan, personal na gamit, o kaya naman ay bulaklak.

Pero paano naman ang mga single sa paggunita ng okasyong ito?

Ngayong “Satisfied Staying Single Day,” pinauna na ang mga single na ipagdiwang ang kanilang pag-iisa na may halong satispaksyon.

Ngunit paano nga ba mapaninindigan ang pagiging single, gayong kabi-kabila ang mayroong jowa?

Ayon sa ilang latha, ang isa sa mga pinaka-importanteng elemento ng pagiging single ay ang kalayaang gawin ang kahit anumang bagay. Dito, hindi mape-pressure ang isang tao na sumubok ng mga bagay dahil walang pipigil sa kaniya.

Human-Interest

ALAMIN: Mga pag-uugaling maghahatid ng kamalasan ngayong Year of the Horse



Ano-ano pa kaya ang iba?

1. Ubusin ang oras para lamang sa iyong sarili

Ayon sa Days of the Year, isang epektibong paraan upang mapanindigan ang pag-iisa ay tahasang ubusin ang sariling oras para sa mga nais na gawin.

Dito, puwedeng ipokus ng isang indibidwal ang kaniyang buong araw sa pagpapabuti ng kaniyang sarili, magdiskubre ng ilang talentong mayroon pala siya, o kaya naman ay gawin ang mga bagay na sa tingin niya ay ikasasaya niya.

Mainam din ito dahil malaya ang isang taong gawin ang kaniyang mga gusto—labas sa pananaw at impluwensya ng ibang tao.

2. Mas maraming “Tropa time”

Hindi hamak na mas marami nang oras ang maaaring ilaan ng isang tao sa kaniyang mga kaibigan kung siya ay single.

Madalas kasi, umiinog na lamang ang oras ng isang tao sa kaniyang kasintahan, na siyang nagpapabawas naman sa oras niya para sa mga kaibigan.

Sa pagsulit ng oras kasama ang mga tropa, mas napatitibay nito ang relasyon sa kanila, nadadagdagan ang “core memories” ng circle, at siyempre ay may nakatutuwang sa oras na kailangan ng kasama o kasangga.

3. Mindset na “It’s okay to be single”

Marahil ito na ang kahalagahan ng selebrasyon ng “Satisfied Staying Single Day.”

Mainam kasi ang pagkakaroon ng ganitong pag-iisip, dahil naiiwasan nitong maipluwensyahan ang isang tao laban sa “dictation” at “pressure” ng komunidad.

Halimbawa, nakatala sa dikta ng komunidad na sa ispesipikong edad, nararapat na ang isang tao ay may kasintahan na—ngunit hindi nito binibigyang-pansin ang ilang elemento tulad ng “priorities,” karera, o mismo ang pamilya ng indibidwal.

Sa tamang mindset, hindi magogoyo ang isang tao sa konseptong siya ay sasaya kapag siya ay may katuwang na; kasi minsan, nakikita ang tunay na kasiyahan sa pag-iisa.

4. Pakikipag-date kay “self”

Ayon sa Healthline, cliche na kung maituturing ngunit isa ito sa mga epektibong paraan upang mahanap ang kasiyahan sa gitna ng pag-iisa.

Madaling mapaninindigan ang pagiging single kung sanay na ang isang tao na ibinubuhos ang lahat para lamang sa kaniyang sariling satispaksyon.

Maliban pa rito, mas makikita niya ang tunay na ganda ng pagiging single—kung saan ang tao ay hindi nararapat na dumepende sa iba para sumaya.

5. Bigyan ang sarili ng “break” or “pause”

Ang pagkakaroon ng panandaliang hinto sa mga bagay-bagay ay kayang magbukas ng isipan ng isang tao.

Dito, mas magkakaroon siya ng mas malawak na kaalaman at kamalayan sa kaniyang paligid, na magbibigay sa kaniya ng kamulatan.

Ang panandaliang hinto na ito ay maaaring gawin sa porma ng “self-reflection,” kung saan mauunawaan ng tao na higit pa sa pagkakaroon ng kasintahan, ay magdadala rin ng kasiyahan ang pag-iisa, dala ng pagkakaroon ng kalayaang gawin ang kahit anumang bagay nang walang pagpipigil at limitasyon.

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang tamis at sayang dulot ng pag-ibig at pagmamahalan ng dalawang tao—ngunit hindi rin naman maikakailang mayroong kasiyahan sa gitna ng pag-iisa, kailangan lamang tingnan ang mga positibong dulot nito sa isang indibdiwal.

Vincent Gutierrez/BALITA