Bumwelta si Sen. Robin Padilla sa umano’y pangmamaliit sa kanila ni Sen. Bong Go sa Duterte bloc sa Senado.
Sa latest Facebook post ni Padilla nitong Martes, Pebrero 10, sinabi niyang hindi umano sila magiging numero unong senador kung wala silang mga nagawa.
“Hindi naman po kami siguro gagawing number 1 na mga senador ng karamihang mga Pilipino kung wala po kaming nagawa bilang mga tao, hindi na po bilang mga pulitiko,” saad ni Padilla.
Dagdag pa niya, “Ang aming serbisyo sa aming kapwa tao at sa Inangbayan ay hindi po nakabase lamang sa pagiging pasueldo ng taongbayan kundi sa pagmamahal at pagmamalasakit.”
Matatandaang si Padilla ang nangunang kandidato noong 2022 senatorial race, samantalang si Go naman noong 2025.
Kapuwa miyembro ng Duterte bloc sa Senado ang dalawa na patuloy nilang pinaninindigan sa kabila ng usap-usapan na isa umano sa mga kasapi nito ay lilipat sa majority bloc.
Maki-Balita: ‘Kayo na lang sumama!’ Go, Padilla pinanindigan pagiging solid Duterte bloc